Hindi nababahala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa nakatakdang tigil-pasada bukas na inanunsyo ng transport group na Manibela dahil 95% ng mga grupo ng transportasyon ay magbibiyahe pa rin.
Sa isang press conference pagkatapos ng pulong sa transport groups na tinatawag na Magnificent 7 kasama ang UV Express groups na tinaguriang Mighty One, sinabi ni Abalos na ipinahayag ng mga nasabing grupo na hindi sila sasali sa tigil-pasada.
Kabilang sa "Magnificent 7" ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), the Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap), Stop and Go Transport Coalition, Association of Concerned Transport Organizations (Acto), Pasang Masda, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), at ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap).
Ayon pa kay Abalos, maraming tinalakay sa pulong bukod sa transport strike tulad ng diumano’y isyu sa pangongotong.
“We will create a technical working group to address the issues raised by our transport group leaders,” aniya.
"Ang ating mahal na Pangulo (Pres. Ferdinand Marcos, Jr.) ay masaya po sa ating partnership na ito dahil marami tayong napag-usapan at nakikita natin ang importansiya ng dayalogo," dagdag pa niya.
Kahit pa sinabing walang magiging epekto sa transportasyon, sinabi ni Abalos na naghahanda pa rin ang iba’t ibang ahensya tulad ng Metropolitan Manila Development Authority, Land Transportation Office, Department of Transportation at ang kapulisan.
Gagamitin bilang multi-agency command center ang bagong tanggapan ng MMDA sa Pasig City upang imonitor ang sitwasyon sa araw ng transport strike.
May mga sasakyan ding nakaposisyon sa ilang lugar na handang umalalay sa mga pasahero kung kinakailangan.
Sinabi naman ni MMDA Acting Chairman Don Artes na inaasahan ng ahensya na hindi magkakaroon ng malaking epekto ang tigil-pasada bukas tulad ng dalawang nakaraang transport strike na isinagawa ng Manibela.
“Hindi magpapahostage ang pamahalaan sa taong pansariling interes lang ang isinusulong,” aniya.
Samantala, nagpasalamat ang mga lider ng transport group kay Secretary Abalos sa kanyang pakikinig sa kanilang mga hinaing.
Ayon kay Obet Martin ng PASANG MASDA, ang kanilang grupo ay kaisa ng pamahalaan sa pagsulong ng mga reporma sa transportasyon sa buong bansa.
"Nananawagan kami sa lahat ng mga members namin sa buong bansa, ayaw nating pahirapan ang ating mga mananakay. Hindi po tayo kasali sa strike bukas. Sa halip kaisa tayo ng gobyerno sa pagpapaunlad ng transportasyon sa ating bansa," aniya.