NEWS

Wala pang naitalang firecracker-related injury sa ngayon - DILG

December 18, 2020

Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala pang naiulat na firecracker-related injuries sa ngayon habang hinihimok ang publiko na panatilihing zero injuries ngayong Kapaskuhan alinsunod sa “Oplan Paalala: Iwas Paputok" ng Bureau of Fire Protection (BFP).

"Tradisyon ng mga Pilipino na simulan ang Bagong Taon na may mga paputok habang pinagsasaluhan ng bawat pamilya ang kanilang media noche [New Year’s Eve feast]. Gayunpaman, ang pandemya at ang new normal ay nangangailangan ng konting adjustment upang matiyak na ang lahat ay ligtas na magkakasama sa bahay," sabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya.

“Disiplina muna para ligtas ang pamilya, ligtas ang bayan. Ito po ang ating regalo’t ambag para iwas peligro at mapayapang pagsalubong ng bagong taon,” aniya.

Sinabi niya na sa gitna ng giyera laban sa pandemya, layunin din ng Kagawaran na makamit ang zero firecracker-related injuries ngayong taon.

Sinabi ni BFP F/SInsp Bayani D. Zambrano na ang anumang uri ng firework display ay ipinagbabawal. Bukod tanging ang pagsasagawa ng community fireworks display sa mga itinalagang lugar ng mga local government units (LGUs) lamang ang mga pahihintulutang lugar kung saan pwedeng pailawan ang mga paputok.

“Meron po tayong ‘Oplan Paalala: Iwas Paputok 2020’ campaign kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng paputok upang maiwasan ang pagkasunog ng kabahayan at ng ibang pang establisimyento,” sabi ni Zambrano.

“Patuloy po tayong gumagawa ng information campaign bawat barangay pinapasok natin ‘yan. Umiikot ang mga bumbero natin upang ipaalala sa komunidad na dapat po tayong umiwas sa mga bagay na nagsasanhi ng sunog,” dagdag niya.

Sinabi ni Malaya na ang target na zero casualty ay makakamit dahil mayroon lamang apat (4) na mga insidente na nauugnay sa firecrackers na naiulat mula Disyembre 31 hanggang Enero 1 ng taong ito.

Sinabi niya na ayon sa datos mula sa Philippine National Police (PNP), 307 firecracker-related incidents sa buong bansa ang naitala noong Enero 2019 na 67 porsyento na mas mababa kaysa sa 929 na mga naitalang insidente noong 2016. Noong 2018, mayroong 449 na insidente habang mayroong 652 noong 2017.

"Mayroong patuloy na pagbaba sa nakaraang tatlong taon at mapapanatili natin iyon kung magpupursige tayong ipatupad ang mga batas at regulasyon sa paggamit ng paputok tulad ng Republic Act 7183 at Executive Order No. 28," aniya.

Naglabas ang DILG ng Memorandum Circular 2017-105, na ipinatutupad ang EO 28 na inaatasan ang mga LGUs, PNP, at BFP na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang sa regulasyon at pagkontrol sa paggamit ng mga paputok at iba pang mga pyrotechnic devices sa buong bansa.

Sa nasabing direktiba, inaatasan din ang PNP na paigtingin ang puwersa nito sa pagbibigay ng seguridad sa mga natukoy na firecrackers and pyrotechnic zones at sa mga firecracker/pyrotechnic displays sa kani-kanilang mga lugar sa pakikipagtulungan ng mga naaangkop na ahensya at stakeholders.

Inaasahan din na magsagawa ang mga police units ng mga inspeksyon sa mga manufacturing complex, warehouse, at processing area ng mga manufacturers at dealers sa kani-kanilang nasasakupan upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntuning pangkaligtasan.

"Pinapayagan ang PNP na kumpiskahin agad ang mga iligal na paputok at gumawa ng pag-aresto kung kinakailangan kaya pinayuhan ang industriya na sundin na lamang ang batas," sabi ni Malaya.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ay ang: Piccolo, Watusi, Giant Whistle Bomb, Giant Bawang, Large Judas Belt, Super Lolo, Lolo Thunder, Atomic Bomb, Atomic Bomb Triangulo, Pillbox, Boga, Kwiton, Goodbye Earth, Goodbye Bading, Hello Columbia, at Goodbye Philippines.

Sinabi ni Malaya na ang pagbaba ng mga firework-related injuries sa nakaraang tatlong taon ay nagpapatunay na maaari pa ring ipagdiwang ng mga Pilipino ang mga piyesta opisyal nang hindi nakokompromiso ang tradisyon.

Inatasan din ng DILG ang BFP na paigtingin ang Oplan Paalala / Iwas Paputok Campaign na may battlecry na "Sa Halip na Paputok, Pito!" na naghihikayat sa publiko na gamitin ang pagsipol sa panahon ng pagsasaya sa Bagong Taon sa halip na mga paputok.

Hinihimok din ng DILG ang BFP na maging mahigpit sa pag-isyu ng fire safety clearance para sa fireworks display at fireworks exhibition upang matiyak na walang hindi inaasahang pangyayari sa mga naturang exhibitions.

Noong 2017, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang EO No. 28 na nililimitahan ang paggamit ng mga paputok. Ang mga insidente na nauugnay sa paputok ay patuloy na bumagsak mula nang mailabas ang EO.