NEWS

ADVISORY

Travel authority ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan sa panahon ng kalamidad, agarang babawiin - DILG

January 24, 2019

Upang tiyakin na ang mga alkalde at iba pang mga pinuno ng lokal na pamahalaan ay hindi "missing in action" kung may bagyo at iba pang kalamidad, lahat ng foreign travel authorities at leaves of absence ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan ng mga apektadong lugar ay babawiin, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ipinahayag ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya na bilang ang DILG ang may otoridad na pahintulutan o hindi ang foreign travel authorities at leaves of absence ng mga lider at kawani ng lokal na pamahalaan ay babawiin ng Kagawaran ang mga ito sa panahon ng kalamidad, gawa man ito ng tao o ng kalikasan.

"Naglabas si Secretary Eduardo M. Año ng Memorandum noong Enero 4, 2019 para sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan na nagsasabing ang kanilang pinahintulutang travel authorities at/o leave of absence ay agarang binabawi sa panahon ng kalamidad. Bilang tayo naman ay nagagabayan ng batas, ganap natin itong isasakatuparan upang tiyakin na ang ating mga lider ng lokal na pamahalaan ay naroon sa kanilang lugar kung saan sila inaasahan sa panahon ng kalamidad," aniya.

Noong Lunes, inendorso ng DILG sa Office of the Ombudsman ang kaso laban sa limang alkalde sa Hilagang Luzon na lumiban sa kanilang tungkulin sa kasagsagan ng Bagyong Ompong noong Setyembre 2018 habang anim na iba pa ang pinadalhan ng 'written admonition' matapos ang imbestigasyon sa pangunguna ng Kagawaran.

Sinabi din ni Malaya na batay sa nalikom na impormasyon at mungkahi ng DILG Central Office validation team, limang mayor ang nagsumite ng paliwanag na hindi sapat at makatwiran, at maaaring lumabag sa isinasaad ng batas ang maaaring humarap sa kasong administratibo na susuriin ng Office of the Ombudsman.

Ang limang alkalde na sinampahan ng kaso sa Ombudsman ay sina Mayor Eduarte ng Tayum, Abra; Mayor Luspian ng Mankayan, Benguet; Mayor Chiyawan ng Natonin, Mt. Province; Mayor Limmayog ng Sadanga, Mt. Province; at Mayor Ruma ng Rizal, Cagayan.

Samantala, ang mga pinadalhan naman ng "written admonition" at binigyan ng babala ng Kalihim ng DILG ay sina Mayor Seares ng Dolores, Abra; Mayor Salazar ng Lasam, Cagayan; Mayor Turingan ng Enrile, Cagayan; Mayor Villacete ng Piat, Cagayan; Mayor Carag ng Solana, Cagayan; at Mayor Mamba ng Tuao, Cagayan.

Sa ilalim ng Local Government Code, ang punong lalawigan, punong lungsod, at punong bayan ay dapat magsagawa ng mga hakbang sa panahon ng biglang pangangailangansa gitna ng kalamidad at pagkatapos nito upang makabangon ang lugar mula sa sakunang dulot man ng kalikasan o tao.

"Kailangang personal na pangunahan ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang kanilang nasasakupan lalo na sa panahon ng kalamidad. Bilang chairperson ng kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs), kailangang sila ay naroroon para personal na pangasiwaan ang paghahanda at operasyon ng local disaster management," ani Malaya.

Sa memorandum na ipinalabas noong Enero 4, 2019, ipinag-utos ni Secretary Año sa mga punong lalawigan na bawiin ang inisyu nilang travel authorities at/o leave of absence sa panahon ng kalamidad sa mga sumusunod:

1. mayor ng mga component city at mga punong bayan;
2. miyembro ng sangguniang panlalawigan na namumuno ng peace and order and crisis management, DRRM, social welfare and development, at women, youth, children at indigenous people (IP); at
3. mga naaangkop na pinuno ng tanggapan tulad ng LDRRM Officer, at iba pa.

Katulad nito, ang punong lungsod o punong bayan ay dapat ding bawiin inisyu nilang travel authorities at/o leave of absence sa panahon ng kalamidad sa mga sumusunod:

1. pangalawang punong lungsod a pangalawang punong bayan;
2. miyembro ng sangguniang panlungsod at bayan na namumuno ng peace and order and crisis management, DRRM, social welfare and development, at women, youth, children at IP; at
3. mga naaangkop na pinuno ng tanggapan tulad ng LDRRM Officer, at iba pa.

"Ang serbisyo publiko ang dapat lagi nilang prayoridad. Sa panahong mas kailangan sila ng mga humalal sa kanila, dapat ay nandoon sila para umalalay at gumabay,” ani Malaya.

Hinikayat din ng DILG Secretary ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan na gamitin nilang gabay ang Operation Listo Manual na nagsasaad ng mimimum o pinakamababang maaga at kritikal na paghahanda para sa mga alkalde tuwing may hydro-meteorological hazards.

"Katulad ng nasasaad sa Operation Listo Manual ng DILG, dapat ay personal na naroon ang mga mayor bago pa man dumating ang kalamidad, sa kasagsagan nito at matapos ang kalamidad. Sundin at unawain po natin ang Manual at hindi po tayo maliligaw," sabi ni Malaya.