NEWS

Sa kabila ng 61% na pagbaba ng krimen, DILG inatasan ang PNP na manatiling listo sa pagpapatupad ng GCQ sa ilang bahagi ng bansa

May 13, 2020

Kasunod ng 61 porsyentong pagbaba ng krimen sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na panatiliiin ang masusing pagbabantay at pagpapatupad ng batas, lalo na’t ang ilang bahagi ng bansa ay isasailalim na sa general community quarantine (GCQ) sa Mayo 16, 2020.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, hindi dapat magrelax ang PNP kahit na bumaba pa ng 61% ang insidente ng krimen, kundi paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga quarantine protocols “dahil baka tingnan ito ng ilan bilang oportunidad na bumalik sa normal at gumawa ng iligal na gawain.”

“Tiyak na babalik muli ang mga kriminal ‘pag GCQ na dahil magpapanggap sila na papasok kuno sa trabaho kaya paalala ko sa ating kapulisan na maghigpit sa mga checkpoints at dalasan ang pagroronda para masawata ang mga kawatan,” aniya ni Año.

Iginiit ni Año na ang pagkakaroon ng PNP checkpoints at pagbibigay ng Quarantine Passes ng mga LGUs ay mananatili sa GCQ dahil limitado pa rin ang paggalaw ng mga tao at ilang industriya at essential services lamang ang maaaring lumabas.

Sa ilalim ng GCQ, paiiralin pa rin ang mga patakaran ng quarantine sa mga indibidwal 21 taong gulang pababa; 60 taong gulang pataas; mga taong immunocompromised; mga buntis; at mga residenteng may kasama sa bahay na nabibilang sa nabanggit. Papayagan naman ang mga seniors na nagtatrabaho o lalabas para sa ilang pangunahing pangangailangan, lalo na sa serbisyong pangkalusugan.

“Mas matindi ang inaasahang pagpapairal ng batas sa panahon ng GCQ dahil nariyan pa rin ang banta ng coronavirus at samahan pa ng mga masasamang-loob na wala rin namang pinipiling panahon at krisis. Kaya lagi pa ring magsuot ng face masks at sundin ang physical distancing sa mga pampublikong lugar,” paliwanag niya.

Ayon pa kay Año, nang dahil sa maayos na pagpapatupad ng PNP ng peace and order protocols simula ng ECQ nitong Marso 17 – May 9, 2020 nagkaroon lamang ng 3,166 na kaso ng krimen sa buong bansa. Dagdag pa niya, ang bilang na ito ay napakalayo sa naitalang 8,135 na kaso mula January 23 hanggang March 16, 2020, o ‘yung ilang araw bago maging ECQ sa Luzon.

“Ang 61% na bawas sa bilang ng krimen mula March 17 – May 9, 2020 na may kabuuang 3,166 na kaso ay dapat panatiliiin kahit nasa ilalim na ng GCQ,” sabi pa ni Año.

Sa ilalim ng ECQ, pagnanakaw pa rin ang may pinakamataas na kaso na umabot sa 865 na insidente, pero mas mababa pa rin ito datos na naitala sa mga buwan bago ang ECQ na may 2,752 na kaso. Gayon din ang naitalang pagbaba ng bilang ng kaso sa ibang krimen gaya ng murder, homicide, physical injury, rape, at iba pa.

Samantala, nakapagtala naman ng 167,278 na kaso ang mga taong lumalabag sa curfew mula Marso 17 – Mayo 9, 2020. Karamihan sa mga kasong ito ay naitala sa Luzon na umabot sa 106,926 na sinundan ng Mindanao na may 30,533, at sa Visayas na may 28,819 na kaso ng paglabag sa curfew.

Sinabi pa ni Año na 105,445 o 63% ng kabuuang bilang na paglabag sa curfew ay binigyan lamang ng abiso o babala, habang 28% o 47,257 naman ang nakulong, ngunit karamihan ay pinagpiyansa, at 14,576 o 9% naman ang pinagmulta.