NEWS

ADVISORY

Pahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año sa pagsampa ng kasong murder laban kay Mayor Carlwyn Baldo sa pagkamatay ni Rep. Rodel Batocabe

January 4, 2019

Binabati namin ang Philippine National Police sa pangunguna ni P/Director General Oscar Albayalde, ang Police Regional Office 5, PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at PNP Intelligence Group sa pagresolba sa kasong pagpaslang kay Congressman Rodel Batocabe sa mabilis na panahon at pagtukoy kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo bilang mastermind.

Nasa kustodiya na ng PNP ang eyewitness at mga ebidensya na tumutukoy sa alkalde na siyang mastermind ng pagpatay. Kaya kami ay mayroong malakas na kaso na aming patutunayan sa korte. Sa katunayan, naghain na kami ng kasong double murder at multiple frustrated murder laban kay Baldo at iba pang mga suspect.

Magkakaroon din ng pagpupulong sa National Police Commission (NAPOLCOM) kung saan ako ang chairperson upang bawiin at kanselahin ang kapangyarihan ni Baldo bilang mayor sa mga opisyal at tauhan ng Daraga Police Station.

Ang breakthrough sa kasong ito ay resulta ng walang humpay na police investigation at intelligence operations at gagawin namin ito sa lahat ng posibleng kaso ng “political terrosism” na may kinalaman sa darating na eleksyon. Bilang direktiba mismo ng Pangulo, magiging alerto ang DILG-PNP sa mga taong magsasagawa ng “political terrorism” katulad ng pagpatay sa kanilang mga kalaban sa eleksyon para masiguro ang pananatili nila sa puwesto.

Maging babala sana ito sa mga politiko na huwag takutin, gipitin o gumawa ng karahasan laban sa kanilang mga katunggali sa politika sa darating na eleksyon, dahil tutugisin sila ng DILG-PNP upang magkaroon ng hustisya. Ang PNP ngayon ay nasa heightened alert upang masubaybayan ang mga gawain ng lahat ng mga kandidato sa darating na halalan.

Puspusan din ang pagkilos ng DILG-PNP laban sa mga private armed groups ng mga politiko at sa pagkansela ng mga lisensya ng baril ng mga taong lumalabag sa batas. Ikaw man ay congressman, gobernador o mayor, no one is above the law, at ipapatupad namin ang batas nang walang kakatakutan o papaboran.

Ang kapangyarihan ng local chief executives sa lokal na pulisya sa kanilang nasasakupan ay babawiin rin kung sila ay aabuso sa kanilang kapangyarihan o kasapakat sa anumang karahasan katulad ng kaso ng alkalde ng Guimbal, Iloilo.