NEWS

ADVISORY

Pahayag ni DILG Asec Jonathan E. Malaya, DILG Spokesperson, tungkol sa pagtanggal ng kapangyarihan sa lokal na pulis kay Guimbal Mayor Oscar Garin

January 8, 2019

Ang National Police Commission (NAPOLCOM) na pinamumunuan ni DILG Secretary Eduardo M. Año ay pormal nang iniutos ang pagtanggal ng deputasyon bilang kinatawan ng NAPOLCOM kay Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin gayundin ang kanyang kapangyarihan sa lokal na pulis sa kanyang munisipalidad dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan.

Ang NAPOLCOM en Banc ay nagpalabas ng Resolution No. 2018-768 kung saan inaprubahan ang pagtanggal ng kapangyarihan kay Mayor Garin kasunod ng pagtutok niya ng baril kay PO3 Federico Macaya nang walang sapat na dahilan at legal justification, habang ang kanyang anak na si Congressman Richard Garin ay ginugulpi ang nasabing pulis noong Disyembre 26, 2018.

Ang pagtanggal ng deputasyon ay matapos ang imbestigasyon na ginawa ng Commission kung saan napatunayan na mayroong naganap na pang-aabuso sa kapangyarihan.

Ang mabilis na aksyon ng Commission sa naturang insidente ay ipinakikita na hinding-hindi palalagpasin ng DILG sa pamumuno ni Secretary Año ang pang-aabuso sa kapangyarihan at pagka-arogante ng mga lokal na opisyal sa mga unipormadong tao o tauhan ng gobyerno.

Gaya ng naunang pahayag ni Secretary Año, sisiguruhin ng DILG na magkakaroon ng hustisya at tutugisin namin ang mga local chief executives na umaabuso sa kanilang kapangyarihan. Ang ginawa ni Mayor Garin ay hindi lamang insulto para kay PO3 Macaya kundi sa buong organisasyon ng PNP na hindi maaaring isantabi ng DILG.

Ang pag-alis ng deputasyon kay Mayor Garin gayundin ang kanyang kapangyarihan sa mga kapulisan sa kanyang munisipalidad ay inaprubahan ayon sa Section 65 ng Republic Act 8551 at NAPOLCOM Memorandum Circular No. 99-010, na inamyendahan ng MC 2001-003, kung saan nakasaad dito ang mga panuntunan sa pagtupad ng delegated powers ng mga alkalde sa kanilang lokal na kapulisan bilang NAPOLCOM Deputies, gayundin ang pamamaraan sa suspension/withdrawal at pagpapanumbalik ng nasabing deputasyon.