NEWS

ADVISORY

Pahayag ng DILG sa pag-ambush sa Cebu Town Mayor

January 24, 2019

Kinukundena ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagtambang kay San Fernando, Cebu Mayor Lakambini “Neneth” Reluya at kanyang mga kasamahan sa Barangay Linao, Talisay City nito lamang Martes.

Itong pinakabagong pag-atake sa mga politiko ay malaking hamon sa pagsisikap ng gobyerno na panatilihing kaayaaya ang kapaligiran kung saan ang mga mamamayan ay malayang nagagawa ang kanilang karapatang pumili ng mga lider na sa palagay nila ay makapagbibigay ng katahimikan at kaunlaran sa kanilang lokalidad.

Malinaw ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang political terrorism at karahasan ay walang lugar dito sa ating bansa. Dahil dito ay inuutusan ko ang Philippine National Police (PNP) na alamin at tukuyin ang mga mastermind o utak sa likod ng ambush na ito at siguruhing mahaharap nila ang konsikuwensya ng kanilang tusong ginawa. Inuulit ko rin ang aking panawagan sa PNP na lalo pang paigtingin ang security measures sa mga natukoy na election hotspots sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga checkpoints, pananatili ng police visibility at mahigpit na pagpapatupad ng gun ban.

Para sa mga kandidato sa halalan, hinihikayat ko kayong maging patas at iwasan ang paggamit ng mga ilegal na pamamaraan para manalo sa eleksyon dahil ang batas ay nakahandang habulin kayo.

Nananawagan din ako sa mga mamamayan na bantayan at ipaalam sa mga otoridad ang mga nakikitang election-related violence sa inyong mga lugar upang ang kapulisan ay makapagsagawa ng agarang aksyon.

Ipinaaabot ng DILG ang panalangin naming mabilis na makarekober si Mayora Reluya at mga kasamahan nito at nakikiramay rin kami sa pagpanaw ng kanyang kabiyak at dalawang iba pa na napatay sa naturang insidente.