NEWS

ADVISORY

Paglilipat ng mga COVID-19 patients sa mga Ligtas Center madalian at kinakailangan – DILG

July 17, 2020

Sinabi ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na ang paglipat sa COVID Ligtas Centers o mga isolation centers para sa mga pasyente ng COVID-19 sa ilalim ng programang Oplan Kalinga ng pamahalaan ay kagyat at kinakailangan hindi lamang upang maingat na masubaybayan at gamutin ang mga ito ngunit para sa kabutihan ng pamayanan.

“Malinaw na ang hakbang na ito ay upang matiyak na ang mga pasyenteng may COVID-19 ay mapagtutuunan ng pansin at hindi nila maikakalat ang virus sa kanilang mga pamilya at komunidad,” sabi ni Año. “Kapag nasa Ligtas Centers sila, mas mababantayan at maaalagaan sila doon at higit sa lahat, maliit ang tsansa na maikalat nila ang virus sa kanilang pamilya,” dagdag niya.

Sinabi niya na ang mga ulat na gagawin ng pamahalaan ang "house-to-house search" na pamumunuan ng pulis o militar sa isang “police-type operations” ay fake news at napapabilang sa disinformation campaign ng mga walang prinsipyong indibidwal.

Binigyang-diin ni Año na ang mga pasyenteng may coronavirus ay dadalhin sa mga Ligtas Centers bilang isang pag-iingat upang mabawasan ang paglaganap, at upang matiyak na maayos silang maalagaan dahil ang mga isolation centers na ito ay may sapat na kagamitan upang tugunan ang kanilang mga pangangailangang medikal, kumpara sa pagho-home quarantine.

Sinabi din niya na ang mga pasyenteng may COVID-19 ay hindi dapat matakot na mailagay sa ilalim ng isang COVID-19 Ligtas facility dahil matutugunan doon ang kanilang pangangailangan pati pagkain. “Ito ang siguradong paraan para mabantayan natin at matalo natin ang virus na ito.”

Sa kabilang banda, ang home quarantine aniya, ay nakita na isang contributory factor sa pagkalat ng coronavirus sa pamayanan sapagkat ang ibang tirahan ay walang lugar para i-isolate mula sa ibang kaanak, na humahantong sa pagdami mga kaso.

“Ito po ay tungkulin ng inyong pamahalaan sa ating mga mamamayan na naaayon sa batas lalo na ngayong panahon ng krisis at kayo ay lumalaban sa isang pandemya. Makipagtulungan po tayo sa gobyerno dahil ang kapakanan at kalusugan ng buong komunidad na ang nakasalalay,” sabi ng Kalihim ng DILG.

Sinabi niya na ang Republic Act No 11332 ay nagbibigay ng kapangyarihan para sa layunin ng quarantine at isolation, at pinaparusahan ang hindi pakikipagtulungan ng mga taong may karamdaman na dapat ipagbigay-alam o apektado ng isang health event na maaaring makaapekto sa publiko.

Ayon kay Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Domingo Egon Cayoso, "ang pagpapatupad ng batas ay bahagi ng kapangyarihan ng estado,” habang ipinapaliwanag na ang pagsasagawa ng mga house-to-house visits upang matukoy ang mga pasyente ng COVID-19 ay naaayon sa batas na nagbibigay kapangyarihan sa mga public health authorities upang matiyak ang quarantine at isolation.

Ipinaliwanag pa ni Cayoso na ang hindi pakikipagtulungan ay maaaring parusahan ng multa na P20,000 hanggang P50,000 at / o pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan sa ilalim ng RA 11332. Sinabi niya na itinuturing na krimen pagtanggi ng mga pasyente na nagpositibo at napatunayang mga carriers na madala sa Ligtas Centers.

“Sa ilalim ng panuntunan ng warrantless arrest, puwede ho kayong arestuhin, pero hindi kayo dadalhin sa kulungan kasi maiinfect ‘yung mga nandoon. Dadalhin kayo sa quarantine facilities,” paliwanag ni Cayoso.

Samantala, binigyang diin ni Año na ang mga local health workers ay hindi magbabahay-bahay, sapagkat hindi lahat ng mga sambahayan ay bibisitahin ng pangkat na pinamumunuan ng local government unit (LGUs) Local Epidemiological Surveillance Units (LESU) “ngunit tanging ang mga naitalang COVID positive sa pamayanan,” aniya.

“Hindi po natin uubusin ang oras ng ating LESU sa pag-isa-isa ng mga bahay ng mga tao. Ito po ay fake news. Tanging yung mga na-test po na positive na kasama sa kanilang listahan lamang at hindi makakapag-comply sa minimum requirement para payagang makapag-home quarantine ang ating dadalhin sa mga Ligtas Center,” aniya.

Ang isang tao ay pinapayagang maghome quarantine kung mayroon siyang isang hiwalay na silid kung saan siya maaaring manatili; kung ang pasyente ay may sariling palikuran; at kung siya ay walang kasamang vulnerable sa COVID-19, tulad ng mga senior citizens at immuno-compromised individuals.