NEWS

Mga Punong-lungsod ng Metro Manila nagpahayag ng suporta sa Manila Bay Rehabiltation - DILG

February 1, 2019

Naglabas ng resolusyon ang Metro Manila Council na binubuo ng mga punong-lungsod ng Metro Manila at pinangungunahan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairperson bilang pagsuporta sa Manila Bay Rehabilitation Program ng pamahalaan, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Nakipagpulong si DILG Secretary Eduardo M. Año kasama si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa lahat ng mga punong-lungsod ng Metro Manila sa tanggapan ng MMDA kung saan hiningi niya ang suporta ng mga pamahalaang lokal sa pagpapasara ng mga establisimyentong napatunayang lumabag sa mga batas pangkalikasan, at sa planong paglilipat sa mga informal settler na nakatira sa mga coastal area, mga estero, at mga daluyan ng tubig sa Metro Manila.

"Ang mga punong-lungsod ay nagpahayag ng 100% pagsuporta sa paglilinis at rehabilitasyon ng Manila Bay. Nangako din silang agarang ipasasara ang mga establisyimentong pinadalhan ng Cease and Desist Orders (CDO) ng DENR o Laguna Lake Development Authority at magsasagawa din sila ng sarili nilang inspeksyon gamit ang kanilang CENRO at sanitary personnel," ani Año.

Ipinagbigay-alam ng DENR sa mga punong-lungsod na magpapalabas ito ng CDOs, Show Cause Orders, at Notice of Violations matapos ang inspeksyon na isasagawa sa lahat ng establisyimentong mapapatunayang lumabag sa mga batas pangkalikasan.

Hinikayat din ng Kalihim ng DILG ang mga punong-lungsod na magsagawa ng sarili nilang inspeksyon sa pamamagitan ng kanilang mandato sa ilalim ng Local Government Code at ipasara ang mga negosyo ng hindi na hinihintay pa ang DENR basta ito ay naaayon sa batas.

Nagpahayag din ng suporta ang mga punong-lungsod sa paglilipat sa mga informal settler sa mga in-city resettlement o provincial resettlement sa tulong ng National Housing Authority at DILG.

Ayon sa pinakabagong datos ng DILG, mayroong 220,000 pamilyang informal settler sa Manila Bay watershed area, kasama ang 17 tributary river system na dumadaloy patungo dito.

"Upang maisakatuparan ang hangaring mailipat ang mga informal settler sa mas mainam na lugar kung saan maaari silang magkaroon ng mas maayos na buhay, kailangan namin ang suporta ng mga pamahalaang lokal at ako ay nagagalak na ang mga punong-lungsod ay nagkakaisa sa positibong pagtugon sa hamon na ito," dagdag niya.

Hiniling din niya sa mga punong-lungsod na madaliin ang kanilang mga programang pabahay sa kanilang mga nasasakupan habang makikipag-ugnayan naman ang DILG sa mga housing agency ng pamahalaan para sa pagpapatayo ng mas marami pang pabahay.