NEWS

Mataas na antas ng pagtitiwala nagbibigay inspirasyon sa DILG upang paghusayan ang paglilingkod sa gitna ng krisis sa COVID-19

April 29, 2020

Bilang pagtugon sa mataas na antas ng tiwalang natanggap kamakailan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sinabi ni Secretary Eduardo M. Año na inspirado ang Kagawaran na paghusayan pa ang paglilingkod sa publiko sa gitna ng paglaganap ng sakit na coronavirus 2019 (Covid-19).

Sinabi ni Año na ang positibong puna ng publiko sa mga aksyon at pagsisikap ng DILG ay isang makabuluhang pagtataguyod para sa mga opisyal at empleyado ng Kagawaran na doblehin pa ang pagtatrabaho habang nagpapatuloy ang laban sa Covid-19.

“Nakakatuwa pong malaman na sa gitna ng mga iniindang sakripisyo ng mga mamamayan ay mataas pa rin ang kumpiyansa ng publiko sa DILG. Mas lalo pa po kaming nahihikayat na magsilbi ng matino, mahusay at tunay na maaasahan at sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at ng aming attached agencies lalo na ng Philippine National Police (PNP),” aniya nitong Miyerkules.

Ayon sa poll na isinagawa ng consultancy firm EON Group at research firm na Tangere, ang DILG ay tumanggap ng 82.19% trust rating mula sa 5,425 na tumugon sa survey na gumagamit ng Tangere app sa buong bansa.

Sinabi ng ulat na ang tiwala ng mga tao sa gobyerno at mga institusyon nito lalo na sa panahon ng Covid-19 ay dulot ng aksyon at pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa mga tao.

“Dama po ng DILG ang bigat at epekto ng krisis na ito sa pamumuhay ng mamamayan. Kaya’t mas pag-iigihan po ng Kagawaran na magawa ang mga mandatong iniatas sa amin ng Pangulo at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) para sama-sama tayong makabangon sa pagsubok na ito,” pagtitiyak niya.

"Tulad ng sinasabi nila, sa oras ng kagipitan, lumalabas ang mabuting pamumuno. Kaya’t nagpapasalamat ako at binabati ko ang mga local chief executives na nagpapamalas ng kanilang matapat, mahusay at malasakit na pagsisilbi sa kanilang constituents ngayong Covid-19 crisis,” aniya habang binibigyang diin ang kritikal na papel ng mga local government unit (LGUs) sa paglaban sa virus.

Sinabi ni Año na ang DILG, kasama ang lahat ng mga ahensya sa ilalim nito, ay ginagampanan ang kanilang tungkulin upang tiyakin na ang diwa at titik ng Batas Pambansa No. 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act ay ipinatutupad.

"Para maghilom ang ating bansa, ang pambansang pamahalaan at lahat ng LGU ay dapat lubos na makipagtulungan tungo sa maayos na pagpapatupad ng Bayanihan Act. Kapag sinabi nating Bayanihan, isantabi po muna ang pambabatikos at pamomolitika. Paigtingin ang pagbibigayan at pagtutulungan," giit niya.