NEWS

ADVISORY

Mahigit 17K local officials sasanayin ng DILG sa lokal na pamamahala

May 21, 2019

Sa nalalapit na pagtatapos ng eleksyon, handa na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na sanayin ang kabuuang 17,754 na bagong halal at muling naihalal na local government officials kung paano maging mahusay na lider ng pamahalaang lokal na gagabay sa kani-kanilang lokalidad tungo sa kapayapaan at pag-unlad.

Inihayag ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na uumpisahan na ng DILG at Local Government Academy (LGA) ang Newly-Elected Officials (NEO) Program para sa mga bagito at beterano na pinagkalooban ng bagong mandato ng taong-bayan na mamumo sa susunod na tatlong taon.

Maging ikaw ay bagito o beterano sa larangan ng local government, ang DILG sa ilalim sa pamumuno ni Secretary Año ay handang magkaloob ng kaalaman at kasanayan sa governance upang matulungan ang mga naihalal na opisyal na tumugon sa mga kritikal na hamon na haharapin ng kanilang tanggapan,” saad ni Malaya.

“Mayroon tayong mas bata pang first-term City Mayors gaya nila Mayor-elect Vico Sotto ng Pasig City at ang 22 taong gulang na si Mayor-elect Arth Bryan Celeste ng Alaminos City. Alam natin na marami silang plano para sa kanilang mga kababayan. At ang DILG ay nandito para magbigay ng training at gabayan ang mga bagong Alkalde kung paano nila mas lalong mapagsisilbihan ang mgamamamayan,” pahayag nito.

May 17,754 na lokal na opisyal ang naihalal sa katatapos na eleksyon nitong Mayo 13 para sa pambansa at lokal na eleksyon na binubuo ng 81 governors, 81 vice-governors, 780 provincial board members, 145 city mayors, 145 city vice-mayors, 1,628 city councilors, 1,489 municipal mayors, 1, 489 municipal vice-mayors, at 11,916 municipal councilors sa buong bansa.

Ang NEO program ay regular programa ng DILG para sa mga bagong halal na lokal na opisyal upang epektibong maisagawa ang kanilang tungkulin at responsibilidad at matukoy ang kanilang development roadmap.

“Hinihintay na lamang natin ang proklamasyon ng lahat ng nanalo sa lalawigan, lungsod at munisipalidad bago natin opisyal na maisagawa ang programang NEO ngayong buwan,” saad pa nito.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng DILG na ang bagong hanay ng local leaders ay sasailalim din sa serye ng pagsasanay para sa capacity building upang nakaayon ang local agenda ng mga bagong Alkalde sa prayoridad na isinusulong ng administrasyon kabilang na ang laban kontra sa iligal na droga, kriminalidad, korapsyon, karahasan at pederalismo.

Ngayon na tapos na ang eleksyon, sinisiguro ko sa inyo ang paggabay ng DILG sa re-elected at first time local officials upang mapagsilbihan nilang mabuti ang kanilang mga nasasakupan,” pahayag nito.

Limang Component ng Pagsasanay

Ipinaliwanag ni Malaya na ang NEO program ay may limang bahagi na maaaring isagawa sa lugar ng training, sa webinar series, o kaya naman ay sa pamamagitan ng online coaching sessions.

Component 1 ang ensuring smooth transition kabilang na ang pagbuo ng transition teams, turn-over ceremony, at LGU at NEO competency profiling. Component 2, ang jumpstarting local governance kabilang na dito ang orientasyon ng NEOs, pagbuo ng executive-legislative relations at LGU guide to action.

Samantala, ang Component 3 ay binubuo naman ng roadmap para sa LGU development na magpapatatag sa LGU planning at alliance building. Component 4, magpapatalas sa kahusayan ng LGU officials at staff nito sa pagbuo ng local governance modules, executive coaching sessions at pagpapalawak ng karagdagang kahusayan ng inihalal na opisyal.

At panghuli, and component 5 ay ang performance management na naka-sentro sa LGU performance assessment. “Sisikapin ng DILG na masiguro na ang local officials ay maging katuwang ng pamahalaang nasyonal sa ating nation-building, na may sapat na kaalaman at kakayahan para pamunuan ang kanilang LGUs at epektibong matugunan ang pangangailangan ng mamamayan,” saad pa nito.