NEWS

ADVISORY

Limang mayor na "missing in action" sa Bagyong Ompong kakasuhan ng administratibo, anim bibigyan ng babala

January 22, 2019

Limang alkalde mula sa hilagang Luzon na wala sa kanilang mga nasasakupan sa pagbayo ng Bagyong Ompong noong Seyembre 2018 ang maaaring makasuhan ng administratibo sa Office of the Ombudsman habang anim naman ang makakatanggap ng 'written admonition' matapos ang pagsisiyasat ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya, batay sa nalikom na impormasyon at mungkahi ng DILG Central Office validation team, limang mayor ang nagsumite ng paliwanag na hindi katanggap-tanggap at maaaring lumabag sa isinasaad ng batas ang posibleng humarap sa kasong administratibo mula sa Office of the Ombudsman.

"Sa kabila ng pagkakaroon ng kaalaman sa paparating na bagyo at paalala ng DILG, ang nasabing mga mayor ay wala sa kanilang mga nasasakupan sa paghagupit ni Ompong. Ito ay malinaw na kapabayaan. Amin nang idinulog sa Office of the Ombudsman ang kanilang mga kaso," aniya.

Anim ding mayor ang makatatanggap ng 'written admonition' mula kay DILG Secretary Eduardo M. Año bunga ng kanilang hindi pagtalima sa mga paalala at kautusan ng DILG na humihiling ng kanilang personal na pagtugon sa panahon ng kalamidad, at "sa kanilang pagliban sa pangangasiwa sa paglikas, pagsagip at relief operation sa kanilang mga nasasakupan noon Setyembre 14, 15, 16, 2018."

"Malinaw ang kautusan ni Secretary Año. Lubhang mahalaga ang presensya ng isang mayor sa kanyang nasasakupan; ang kanyang pagliban ay malaki ang epekto sa operasyon ng mga pamahalaang lokal at ang mga mamamayan ang magdurusa," ani Malaya.

"Ipinapabatid ng DILG sa lahat ng mga pinuno ng mga pamahalaang lokal at lahat ng mga inihalal na lokal na opisyal na sila ay dapat na "on-call" anumang oras. Iyon ang esensya ng serbisyo publiko. Ito din ang dahilan kaya wala silang takdang bilang ng oras sa kanilang tungkulin sapagkat malilimitahan nito ang kanilang paglilingkod," dagdag pa niya.

Samantala, ipinadala naman ng DILG sa mga regional office nito ang paliwanag ng apat pang mayor upang masuri. "Maging ang pagliban man ay bunga ng personal o opisyal na dahilan, ang kanilang tungkulin bilang mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang siyang dapat nilang prayoridad lalo tuwing may kalamidad. Kung hindi nila mapapatunayang imposible para sa kanila na gawin ang kanilang tungkulin ng mga panahong iyon, itong apat na mayor na ito ay posibleng may pananagutan," paliwanag ni Malaya.

Noong nakaraang Setyembre, naglabas ang DILG ng Show Cause Orders laban sa 16 na mayor mula sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region na 'di umano'y "missing in action" nang manalanta ang Bagyong Ompong sa bansa. Kasunod nito'y binuo ang DILG Validation Team upang tukuyin at timbangin ang mga dahilan ng mga nasabing opisyal sa kanilang pagliban.

Bago ang nabanggit na bagyo, naglabas ng Advisory si Secretary Año noong Setyembre 14, 2018 na nagpapaalala sa lahat ng mayor na bantayan ang kanilang mga nasasakupan upang tiyakin na makapagbibigay nang agarang pagtugon na ang hangarin ay makamit ang "zero casualties."

Katanggap-tanggap na paliwanag

Sa 16 na mayor, ang paliwanag lamang na binigay ng isang mayor ukol sa kanyang pagliban ang nakitang katanggap-tanggap, ayon sa Tagapagsalita ng DILG.

"Bagama't kailangang dumalo ng mayor na ito sa isang pagdinig sa Sandiganbayan sa Quezon City noong Setyembre 13, 2018, na lubha ding mahalaga, nagawa naman niyang agad makabalik sa kanyang nasasakupan," aniya.

Batay sa paliwanag ng nasabing mayor, nag-iwan ito ng mga tagubilin sa kanilang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officers bago siya nagtungo sa pagdinig sa Sandiganbayan. Dumating siya sa kanyang bayan sa araw ng pagtama ng bagyo at agarang pinulong ang MDRRMC kung saan mayroon siyang direktang pangangasiwa at kontrol.

Hindi tinanggap ng DILG ang paliwanag ng ilan sa mga mayor tulad ng: pagdalo sa pagsasanay sa Baguio, pagpupulong ng LMP sa Davao, pagdalo sa mga gawain ng NEDA at DA sa Maynila, o pakikipagpulong sa Malacañang.

Ipinahayag ni Malaya na inimbitahan lamang ng Malacañang ang mga mayor para sa isang simpleng pagpupulong at hindi sa pamamagitan ng isang kautusan o direktiba. Kaya naman ang pagpapasya kung kalilangan nilang iwanan o hindi ang kanilang nasasakupan ay nasa mga mayor lamang. "Dapat nilang naging prayoridad ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan. Yun ang dahilan kung bakit hindi namin matatanggap ang kanilang mga paliwanag," dagdag niya.

Sa ilalim ng Local Government Code, ang naihalal na lokal na opisyal ay maaaring disiplinahin, suspendihin, o tanggalin sa tungkulin bunga ng kapabayaan sa tungkulin, o "misconduct".

Dagdag pa niya, ayon sa Republic Act 10121 (Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010), ang pinuno ng lokal na pamahalaan ang mangunguna sa Local Disaster Risk Reduction and Management Council at direktang mangangasiwa ng tanggapan ng DRRM ng kanilang lokal na pamahalaan. Tungkulin din ng mayor na pangunahan ang pagsasagawa ng mga emergency measure na kailangan sa panahon at matapos ang kalamidad, gawa man ito ng tao o natural na kalamidad.

Ang DILG ay mayroon ding Operation Listo protocols na maaaring isagawa ng mga mayor bago, sa panahon at matapos ang kalamidad.