NEWS

Isama ang mga health safety protocols sa mga local disaster plans para sa tag-ulan sa gitna ng pagbabanta ng Covid-19 - DILG

July 6, 2020

Sa pagsisimula ng tag-ulan, hinihikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na isama ang COVID health safety protocols sa pagsusuri nila ng kanilang mga local disaster risk reduction and management (LDRRM) plans sa pagpatuloy ang pandemya ng COVID-19.

“Mas mabigat ang tungkulin ng ating mga LGUs dahil ngayon lang mangyayari na may sama ng panahon sa gitna ng patuloy na pagsugpo sa Covid-19. Nakapagbigay na kami ng mga panuntunan at mga alituntunin sa pamamagitan ng DILG Central Office Disaster Information Coordinating Center (CODIX) upang mas mapaghandaan nila ang pagharap sa sitwasyon,” sabi ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan E. Malaya.

"Ang mga panuntunang ito ay ilalabas upang matulungan ang mga LGUs na mabisang mapaghandaan at sabay na matugunan ang mga natural disaster at Covid-19," dagdag niya.

Ayon kay CODIX Chief Edgar Allan B. Tabell, ang mga LGUs ay hindi bulag na makikibaka dahil mula pa noong unang bahagi ng 2003, sa banta ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at ng sakit na Ebola virus disease (EVD) noong 2015, ang mga LGU ay ginagabayan upang magplano at tumugon sa mga kalamidad.

Pinaalalahanan ni Malaya ang mga LGUs na magsagawa ng mga pagkilos na tutugon sa mga likas na sakuna, na inirerekomenda ng Operation Listo manual, isang advocacy program ng Kagawaran na naglalayong palakasin ang paghahanda sa sakuna ng mga lalawigan, lungsod, bayan, at mga barangay sa pamamagitan ng paggawa ng minimum na mga aksyon bilang paghahanda para sa mga bagyo.

Inulit niya ang pangangailangan sa mga LDRRM Councils ng mga LGU na magsagawa ng kanilang sariling pre-disaster risk assessment at simulan na ang lahat ng kinakailangang logistical preparations nang may lubos na pagsasaalang-alang sa mga panganib sa kalusugan dala ng coronavirus.

Inaatasan ang mga LGUs na magpulong at suriin ang kani-kanilang mga LDRRM plans at i-update ang kanilang mga tugon nang naaayon sa mga minimum health standards at infection prevention protocols na itinakda ng Department of Health (DOH).

Gayunpaman, nabanggit ni Malaya na marami sa mga LGUs ang may kakayahan ng pangasiwaan ang mga likas na sakuna dahil maayos na naipapatupad ang mga Operation Listo protocols ng DILG simula nang ilunsad ito. Tiniyak niya na ang DILG ay nakikipag-ugnayan sa iba't ibang mga ahensya ng pamahalaan para sa mas malinaw na mga alituntunin upang matiyak na ang mga hakbang na gagawin ng mga LGUs sa pagtugon sa mga bagyo at Covid-19 ay alinsunod sa mga minimum health protocols.

“Mapaghamon ang mga susunod na araw. Nakatitiyak kayo na ang DILG ay mananatiling nakatuon sa pagtulong sa LGUs para mapagtagumpayan ang mga hamon na ito,” aniya.

“Sa harap ng ganitong sitwasyon, nais pa rin nating purihin ang mga LGUs na patuloy na pinapanatiling ligtas ang ating mga komunidad sa gitna ng pandemyang ito. Wala pa po tayong ganitong nararanasan. Lahat tayo noong umpisa ay nag-adjust. Ngunit patuloy tayong nag-aaral, at natututo tayo mula rito,” dagdag niya.

Nauna rito, pinayuhan ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration) ang publiko at lahat ng mga kinauukulang ahensiya sa gumawa ng mga pag-iingat na hakbang bilang paghahanda sa tag-ulan.

Ngunit idinagdag ng state weather bureau na ang mga panaka-nakang pag-ulan ay susundan ng mga dry periods, na tinatawag na monsoon breaks, “na maaaring magtagal mula ilang araw hanggang dalawang linggo.”