NEWS

ADVISORY

Hindi pinipilit ang mga LGU na suportahan ang Anti-Terrorism Bill; isang insulto sa mga LGU ang akusasyon ng Bayan Muna—DILG

June 17, 2020

Pinabulaanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paratang ng grupong Bayan Muna na pinipilit ng Kagawaran ang mga local chief executives (LCEs) na sumuporta sa Anti-Terrorism Bill at sinabing isang insulto sa mga lokal na opisyal ang akusasyon.

“Ito'y malaking kasinungalingan at insulto sa dignidad, katalinuhan at integridad ng mga lokal na opisyal sa buong bansa na buong pusong nagpahayag ng suporta sa panukalang batas na ipinasa kamakailan ng Kongreso,” ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya.

“Nagbubulag-bulagan lamang ang Bayan Muna sa mga hinaing ng mga LGU at ng ating mga kababayan lalo na sa mga lugar na patuloy na sinisira ng mga terrorista gaya ng Marawi, Samar, Bikol, Caraga at marami pang iba,” ani Malaya.

Nilinaw niya na binibigyan ng awtonomiya ang mga LGU sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987. “Samakatuwid, hindi sila kontrolado ng DILG. Tinitiyak lamang namin na sumusunod sila sa mga batas, mga utos at mga regulasyon. Kung ganoon, paano makakapagparatang ang Bayan Muna na pinipilit sila ng DILG? Hindi namin iyon ginagawa,” dagdag pa niya.

Idiniin ni Malaya na hindi dapat maliitin ng Bayan Muna ang mga LGUs at ipagpalagay na wala silang sariling pag-iisip. “Ano naman ang tingin ng Bayan Muna sa mga LGU, na wala silang sariling paninindigan at pag-iisip? Ramdam ng mga LGU ang panawagan ng kanilang mga kababayan na matagal ng isinusuka ang mga terorista,” aniya.

Samantala, pinuri ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang 784 LCEs na tunay na nagpahayag ng suporta sa Anti-Terrorism Bill sa kabila ng malawakang kampanya upang siraan ito.

“Salamat sa 784 LCEs na naniniwala sa tunay na hangarin ng Anti-Terrorism Bill. Sa oras na malagdaan ito ng Pangulo, magiging landmark law ito na mangangailangan ng tulong ng mga LGU kaya kami ay natutuwa na maaga pa ay marami na ang nagpapahayag ng pagsuporta dito,” sabi ni Año.

Ibinunyag ng Kalihim na sa 784 na LCE, 43 ang mga gobernador o 53% sa buong bansa. Ang pagsang-ayon ng kalahati sa mga lalawigan sa bansa ay isa nang tagumpay laban sa terorismo sa bansa.

Maliban dito, 68 city mayor at 673 municipal mayor din ang nagpahayag ng pakikiisa at paghahangad sa pagpasa ng batas.

“Halos kalahati ng bilang ng mga LGU ay kaisa natin sa pagsulong sa Anti-Terrorism Bill. Ito ay nagpapataba ng ating puso sapagkat ito ay nangangahulugan lamang na hindi kami nag-iisa sa laban na ito,” paliwanag ni Año.

Inilahad pa niya na ang Region IV-A ang pinakamaraming sumuporta sa panukalang batas (96); kasunod ng Region II (91); Region III (88); CAR (80); at Region I (73). Ang ibang rehiyon ay nagtala ng sumusunod: MIMAROPA (58); Region XI (53); Region VI (52); Region XII (50); Region V (24); Region VII (21) at Region XIII (32). Ang National Capital Region ay nagtala ng anim at ang Region VIII naman ay apat.

Nakakatanggap tayo ng suporta mula sa mga LGU sa buong bansa, lalo na sa mga malalayong LGU na nagiging biktima ng terorismo at naniniwala na itong bill na ito ang sagot sa kanilang mga problema at pagdurusa,” pagsiwalat ni Año.

Suporta mula sa baba

Inaasahan pang madagdagan ang suporta sa panukalang batas mula sa mga LGU, alinsunod sa pagpapahayag ng suporta mula sa grassroots, aniya.

Kabilang sa mga LCE na nangako ng tulong sa panukalang batas ay ang mga mayor ng Metro Manila na sina Metro Manila Mayors League Chairman Edwin Olivarez, San Juan City Mayor Francis Zamora, Makati City Mayor Abby Binay, Manila City Mayor Isko Moreno, Ormoc City Mayor Richard Gomez at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Samantala si Quirino governor and Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) president Dakila Carlos Cua ay nagsabi na “mga 80% ang sang-ayon, at marami sa mga LCE ang nakauunawa ng halaga ng anti-terrorism bill.”