NEWS

Emergency hotline 911 fully operational na -- DILG

October 1, 2020

Ipinahayag ngayong Miyerkules, Sept. 30, 2020 ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na puwede nang tawagan at operational na ang Philippine Emergency Hotline 911 matapos na ito ay pansamantalang nagbawas ng operasyon dahil sa mga ilang emergency communicators na tinamaan ng Covid-19.

Pinasalamatan din ni Año ang publiko sa kanilang pang-unawa sa problemang kinahaharap ng Emergency 911 Hotline. “Malugod po naming ipinapaalam sa lahat na balik sa normal na po ang ating operasyon sa E911 hotline. Maraming salamat sa inyong pang-unawa at dasal, nalampasan na ng ating mga kasamahan sa National Call Center ang pagsubok na ito,” sabi ni Año.

Ang E911 hotline ay isang programa ng DILG para maka-responde sa mga emergency situation sa mga taong nasa kagipitang sitwasyon. Ang tumatawag sa mga numerong ito ay yong mga humihingi ng tulong para sa police assistance, fire reports, emergency medical assistance, search at rescue, gayundin ang tungkol sa mga chemical, biological, radiological, nuclear, at explosive (CBRNE) materials.

Kamakailan lang ay inihayag ng DILG na ang tawag sa Emergency 911 mula sa National Call Center ay pansamantalang ipinadadala sa walong local call centers dahil sa ang limang emergency telecommunicators (ETCs) ay nag-positive sa COVID-19.

Sinabi ni Año na ang problema ay lalong lumala nang ang 20 Bureau of Fire Protection (BFP) detailed personnel ay nagpositive sa COVID-19 virus na naging dahilan sa pag-antala ng pagbabalik-operasyon nito.

Ayon naman kay E911 Executive Director Diosdado Valeroso, ang National Call Center ay kinailangang i-disinfect ng dalawang beses matapos ang infection ng mga BFP telecommunicators.

Sinabi pa nito na ang 5 ETCs ay pawang mga asymptomatic at naka-recover na matapos ang 14-day quarantine habang ang mga BFP personnel ay bumalik na rin sa trabaho. Upang mapanatili ang E911 operations, sinabi pa nito na mayroong Work from Home team na tinawag nilang Team Mabini na binuo at inactivate sa naturang panahon.

“Mayroon kaming apat na teams: Team Lapulapu, Team Rizal, Team Bonifacio,at Team Tandang Sora na merong 18 ETCs bawa’t isa na nag-tatrabaho ng round the clock na 24-hour work shift dahil sa transportation issues,” sabi ni Valeroso.

Sinabi pa nito na sa taong 2019 lamang, ang E911 calls ay umabot sa 18.482 million mula sa 1.46-million calls noong 2016, na lalo lang lumobo noong March ngayong taon nang magsanib ang DILG at Department of Health (DOH) sa COVID-related calls.

Meron ding 20 ETCs mula sa DOH ang kasalukuyang nasa DILG E911 National Call Center kung saan ang mga DOH ETCs ang may hawak lang ng COVID-19-related calls habang ang DILG ETCs ang siya naman may hawak ng emergency calls.

Binaggit pa ni Valeroso na ang ETCs ng DILG ay nagsisilbi ding augmentation team sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) sa panahon ng kalamidad at disasters katulad ng typhoons.

“May mga positibong komento sa social media gayundin mula sa mga kaibigan na nakakaalam ng aming mga pagsisikap sa DILG-911,” ayon sa 911 executive director.