NEWS

ADVISORY

Electoral Boards entitled sa legal assistance - DILG

May 14, 2019

Hinikayat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga guro at ibang indibidwal na maglilingkod bilang Electoral Boards sa halalan sa Lunes na humingi ng legal assistance sa ilalim ng RA 10756 o Election Service Reform Act para sa anumang legal na harassment o problema na mararanasan sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin sa eleksyon.

Ipinahayag ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na ang Commission on Elections (COMELEC) ay lumikha ng Special Trust Fund bilang pagtupad sa itinatadhana ng RA 10756 na sasagot sa gastos sa legal assistance, medical assistance, at legal indemnification para sa mga indibidwal na nagkakaloob ng serbisyo na may kaugnayan sa eleksyon.

"Bilang karagdagan sa honoraria, travel allowance, at service credit na kanilang matatanggap, lahat ng guro at indibidwal na maglilingkod bilang Electoral Boards ay makatatanggap ng Medical Assistance na aabot sa P200,000 at legal protection at assistance," aniya.

"Malayo na ang narating natin sa pagsasaalang-alang sa karapatan ng mga guro na nagsisilbi sa halalan. Kung sakaling magkaroon sila ng legal na problema, kailangan lang nila mag-claim sa COMELEC o sa kanilang ahensya, ang Department of Education, sapagkat mayroong sistema para protektahan ang kanilang karapatan," dagdag niya.

Bilang miyembro ng Task Force Kontra Bigay, sinabi ni Malaya na ang mga miyembro ng mga Electoral Board ay maaaring bigyan ng legal assistance at iba pang legal na proteksyon sa ilalim ng nasabing batas. "Maaari ding maibalik ang magagastos nila na legal cost kung sila ay irereklamo o makatatanggap ng reklamo habang sila ay miyembro ng Electoral Board," dagdag pa niya.

Aniya, sa pagkakatatag ng Legal Indemnification Package ng COMELEC, mas protektado na ang mga guro kumpara sa mga nakaraang eleksyon. "Ang serbisyo na ipinagkakaloob ng ating mga guro tuwing eleksyon ay higit pa sa hinihiling ng kanilang tungkulin, kaya kami ay nagagalak na ngayon ay may proteksyon na sila laban sa tiwaling kandidato at pulitiko na nais silang samantalahin," dagdag pa niya.

Ang bawat claimant ay makatatanggap ng P50,000 bilang legal indemnification. Ang COMELEC ay lumikha ng Committee on Claims and Assessment para maproseso ang aplikasyon para sa legal indemnification.

"Ang COMELEC ay papasok din sa Memorandum of Agreement sa Public Attorney’s Office at Integrated Bar of the Philippines nang sa gayon ay mabigyan ng legal assistance ang sinumang miyembro ng Electoral Board na nakaranas ng legal harassment," aniya.

Sinabi din niya na maaaring utusan ng COMELEC ang Philippine National Police o alin mang enforcement agency na magbigay ng seguridad sa kanino mang guro na nakararanas ng agarang banta, karahasan, harassment o intimidasyon bilang resulta ng kanilang paglilingkod sa halalan.

Ikinagalak din ng DILG ang desisyon ng COMELEC na i-exempt sa Income Tax ang honoraria at allowance na matatanggap ng mga guro sa kanilang paglilingkod bilang Electoral Boards kung ang kanilang taunang kita ay hindi lalagpas sa P250,000.

"Magandang balita ito para sa lahat ng ating mga Electoral Board. Binabati namin ang COMELEC sa naisip nilang win-win solution para sa lahat. Boluntaryo na ngayon ang paglilingkod ng mga guro sa eleksyon kaya ang mga magsisilbi ay may personal choice, at hindi sila puwedeng pilitin ng COMELEC," aniya.