NEWS

DILG tuloy pa rin ang pagtanggap ng aplikasyon para sa 50,000 contact tracers

September 25, 2020

Inalis na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang deadline sa pagtanggap ng mga contact tracers at sa halip ay itutuloy ito hanggang makaipon ng 50,000 bilang bahagi ng kampanya upang maitaas ang antas ng contact tracing sa bansa.

Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na patuloy na tatanggap ang kanilang mga provincial at city field offices ng mga application hanggang mapuno ang mga slots na inilaan sa kanila.

“Ang mahalaga ay mapuno ang mga slots at makapagrecruit ng dami ng contact tracers sa ilalim ng Bayanihan 2 Law, kaya ang mga umabot sa deadline ay agad ipoproseso. Pero patuloy kaming tatanggap ng applications hanggang maabot namin ang aming targets,” dagdag ni Malaya,

Layon aniya nila na i-deploy ang unang batch ng mga contact tracers na tinanggap ng DILG sa mga LGU contact tracing teams sa unang linggo ng Oktubre.

Ayon kay Malaya, mga 10,000 na ang nag-apply sa Metro Manila pero marami sa kanila ang may kulang na papeles, kaya binigyan sila ng panahon upang makumpleto nila agad ang kanilang papeles at maproseso ito sa first come, first serve basis. “Kung papasa sila sa selection board, sila ay tatanggapin, ite-train at idedeploy sa ibat ibang LGU,” dagdag niya.

Bibigyang prayoridad kung kwalipikado ang mga contractual personnel na hindi ni-renew ang kontrata, mga overseas Filipino workers na nahinto ang trabaho at mga lokal na kawani na na-terminate, at mga barangay health workers.

Upang matanggap, ang aplikante ay dapat tapos o nasa kolehiyo sa isang allied medical o criminology course. Dapat ay bihasa sila sa data gathering at tumulong na sa research and documentation; marunong makipanayam sa mga may sakit ng COVID-19 at mga nakasalamuha nila upang mangalap ng datos; may abilidad na magsulong ng public health education messages’ at may investigative capability.

“Bagamat ma gusto namin ang tapos ng kolehiyo o college level sa isang medical o criminology course, bukas din kami sa mga tapos o kumukuha ng ibang kurso. Kaya hinihikayat namin silang mag-apply at tulungan ang bansang sugpuin ang COVID-19,” ani Malaya.

Ayon sa kanya, ang mga aplikante ay dapat magpasa ng application letter, personal data sheet, National Bureau of Investigation clearance, diploma o transcript of record, at drug test result .sa pinakamalapit na DILG provincial o city field office.

Ayon sa mga patakaran ng DILG, babayaran ang mga contact tracer ng P18,784 o mas mataas pa kada buwan sa ilalim ng contract of service. Kabilang sa kanilang mga responsibilidad ay pakikipanayam, profiling, at pagsagawa ng initial public health risk assessment ng mga kaso ng COVID-19 at ang mga nakasalamuha ng mga ito; pagdadala sa mga close contact sa mga isolation facilities; pagsasagawa ng enhanced contact tracing katulong ng ibang ahensiya at pribadong sector; pagsasagawa ng arawang monitoring ng mga close at general contacts sa loob ng 14 araw o higit pa; at iba pang gawaing may kinalaman sa COVID-19 response.

Iniulat ni Malaya na ang National Capital Region ay mabibigyan ng 19.2% ng buong bilang ng bagong contact tracers na tatanggapin dahil isa itong hot spot ng COVID -19. “Mas maraming naitatalang kaso, doon maglalagay ng mas maraming bagong contact tracer. Ang ating mga bagong contact tracer ay kikilos at maglilingkod sa lahat ng rehiyon ng bansa at ang NCR ang kukuha ng pinakamalaking bilang,” aniya.

“Mahalaga na ang kandidato ay papayag na gumawa ng research and investigation dahil ito ang katangian ng trabaho niya, Iyon ang hinahanap natin, isang tao na may pagmamahal sa bayan at handang magsasaliksik ng mga posibleng kaso ng COVID sa komunidad,” pagtatapos niya.