NEWS

DILG titiyakin ang pakikiisa ng mga mayor sa "Battle of Manila Bay" sa forum ng mga pinuno ng pamahalaang lokal ngayon

February 11, 2019

Upang tiyakin ang pakikiisa ng mga mayor sa "Battle of Manila Bay", titipunin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Lunes (Pebrero 11, 2019) ang 178 punong-lungsod at punong-bayan na saklaw ng Manila Bay Watershed Area para sa Local Chief Executives’ Forum on the Manila Bay Clean-up, Rehabilitation, and Preservation Program sa New World Manila Bay Hotel sa Maynila.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, layon ng nasabing forum na siguraduhing alam ng mga local chief executive ang mahalaga nilang papel at tungkulin sa rehabilitasyon ng Manila Bay sa ilalim ng mandamus ng Korte Suprema.

"Ang mga pamahalaang lokal ang siyang kailangang manguna sa mga hakbangin sa paglilinis, rehabilitasyon, at pangangalaga ng katubigan ng Manila Bay. Kung gayon, hinihiling na sila ay mas maging masigasig sa paghikayat ng suporta at pakikipagtulungan ng kanilang mga nasasakupan at stakeholders upang maibalik ang ganda ng Manila Bay," ani Año.

Ang desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 18, 2008 at Resolusyon noong Pebrero 15, 2011, G.R. Nos. 171947-48 ang nagtatakda sa DILG at 12 na iba pang ahensya ng pamahalaan ng linisin, i-rehabilitate, at panatilihin ang Manila Bay upang pigilan ang paulit-ulit na cycle ng polusyon na gawa ng tao.

Upang siguraduhin ang pagtalima sa mandamus ng Korte Suprema, inutusan ng DILG ang lahat ng mga pamahalaang lokal sa Rehiyon III, IV-A, at NCR na nakapaloob sa Manila Bay Watershed Area na gawin ang kanilang bahagi upang matulungan ang pamahalaan sa binansagang "Battle of Manila Bay".

Isa sa mga tampok ng nasabing forum ang "Dialogue with the Secretaries" na magbibigay ng pagkakataon sa mga pinuno ng mga pamahalaang lokal na ipahayag sa mga pinuno ng mandamus agency ang mga suliranin at isyu na bumabalakid sa kanilang mga hakbangin tungo sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Ang kalalabasan ng kasalukuyang LGU Environmental Compliance assessment gayundin ang ulat tungkol sa Informal Settler Families (ISFs) ay pag-uusapan din sa nasabing forum.

Inaasahan ding dadalo sa forum ang 178 City/ Municipal Environment and Natural Resource Officers (C/M ENRO) at mga kinatawan mula sa mga mandamus agencies.