NEWS

ADVISORY

DILG suportado ang panukalang isama na ang provincial jails sa BJMP

September 12, 2019

Ganap ang suporta ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa panukala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na isama na ang lahat ng provincial jail sa bansa sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang “maging standardized at professionalized ang pamamahala sa lahat ng piitan sa local level.”

“Lubos ang ating suporta sa panukala ni Senador Drilon na ipasailalim sa pangagasiwa ng ng BJMP ang lahat ng provincial jails dahil hindi lamang ito mangangahulugan ng pagkakaroon ng isang pamantayan pagdating sa patakaran at panuntunan sa pamamahala ng kulungan, kundi sisiguruhin din nito na ang lokal na piitan ay pinapatakbo ng highly-trained at competent jail personnel,” paliwanag ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Ayon sa DILG Chief, ilan sa mga piitan na pinamamahalaan ng local government units (LGUs) ay kadalasang walang sapat na kagamitan at hindi sumailalim sa pagsasanay ang mga tauhan at ang iba naman ay walang sapat na pasilidad, kaya madalas silang natatakasan ng bilanggo.

“Kumpiyansa ako sa kahusayan ng BJMP na pamamahalaan ang mga kulungan at dahil sa kanilang mga propesyunal na uniformed jail officers, ang mga insidente ng pagtakas sa mga provincial jail sa bansa ay mababawasan ng malaki,” saad nito.

Sa ilalim ng panukala ni Drilon, magkakaroon ng national jail system na nasa kontrol ng DOJ-Bureau of Corrections (BuCor) at local jail system sa pamamahala ng DILG-BJMP.

Sinabi pa ni Año na ang paglilipat sa provincial jail sa BJMP ay magiging pabor sa lokal na pamahalaan dahil mawawala na sa alalahanin nila ang pamamahala sa mga kaguluhan sa piitan, pagtakas ng preso, sahod ng local jail personnel at pagkain ng lahat ng persons deprived of liberty (PDL).

Batay sa tala ng BJMP, sa 74 provincial jails sa buong bansa, 13 na ang pinamamahalaan ng BJMP alinsunod sa memorandum of agreement na nilagdaan sa pagitan ng LGUs at provincial governments. Samantala, pitong lalawigan naman ang walang kulungan.

“Sakaling ilipat sa BJMP ang 61 provincial jail na may kabuuang bilanggo na 32,940, kakailanganin nating kumuha at magsanay ng dagdag na 14,573 jail offices na mamamahala sa ating mga piitan,” paliwanag ni Año.

Sa ilalim ng RA 6975, mandato ng BJMP na pangasiwaan ang lahat ng city, district at municipal jails sa bansa. Samantala, sa ilalim ng Local Government Code, ang management at control sa provincial at sub-provincial jail ay nasa Pamahalaang Panglalawigan na nagpapagulo sa local jail system.

Heinous crime penitentiary

Samantala, inihayag ni Año ang suporta nito sa panukalang pagbuo ng Heinous Crimes Penitentiary (HCP) facility sa Pilipinas bilang bahagi ng paglilinis sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ng mga “high-risk criminals”.

"Mabuti po iyon para mas mabantayan natin iyong mga illegal drug lords, CPP-NPA at terrorist groups," sinabi ng Kalihim sa presentasyon ng panukalang DILG budget para sa taong 2020 sa Senate Committee on Finance.

Sa ginawang pagtalakay sa pondo ng Departamento, tinanong ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang DILG Chief kung susuportahan nito ang pagbuo ng pasilidad na HCP, gaya ng 'Alcatraz prison' para sa lahat ng nahatulan ng sentensya sa mga krimeng karumal-dumal. Ang HCP ay iminumungkahing itayo sa Palawan malapit sa West Philippine Sea kung saan ang harapang pagbisita ay hindi papayagan maging sa pamilya ng bilanggo.

“Mahigpit naming sinusuportahan ang panukalang batas upang magdalawang-isip ang mga kriminal na gumawa pa ng mas malagim na krimen,” sabi pa ni Año.