NEWS

ADVISORY

DILG sa mga pasahero: Huwag pumunta sa paliparan nang walang kumpirmadong flight

July 9, 2020

Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hindi dapat pumunta sa mga paliparan ang mga pasaherong walang kumpirmadong flight dahil sa mahigpit na pagpapatupad sa mga health protocols doon at hindi sila papayagang pumasok nang walang nakumpirmang tiket.

Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na dahil sa COVID-19 pandemic, ang operasyon ng mga transportation companies, kasama ang mga airlines, ay nakasalalay sa mga protocol na itinakda ng pamahalaan. Dahil limitado lamang ang mga pinahihintulutang flights, “ang pagpunta sa mga paliparan nang walang nakumpirmang flight o ticket ay isang pag-aaksaya ng enerhiya at oras at hahantong lamang sa pagkabigo.”

“Patuloy po ang paalala natin sa ating mga kababayan na huwag pong magpunta sa mga airport or seaports kung wala po tayong confirmed na flight. Mangyari lamang po na makipag-ugnayan kayo sa inyong airline kung confirmed ang inyong flight. Mapapagod lang po kayo sa biyahe at masasayang ang pera ninyo at mauuwi lang po ito sa wala,” aniya.

Pinayuhan ni Malaya ang lahat ng mga pasahero na makipag-ugnayan muna sa mga airlines upang matiyak na ang kanilang mga flight ay kumpirmado upang maiwasan ang abala. Pinaalalahanan din niya ang lahat na ang mga tiket na nabili bago ang pandemya ay kanselado na ng mga airlines at kailangan nang i-rebook ayon sa bagong schedule of flights na aprubado ng airport authorities.

Sinabi ng tagapagsalita ng DILG na ang mga walk-in customer ay hindi makakabili ng mga tiket sa paliparan dahil ang lahat ng mga flights ay inaayos sa pakikipag-ugnayan sa mga airline companies. Bukod dito, ang lahat na may kanseladong flight ay hindi papayagan ng mga awtoridad na makapasok sa mga paliparan.

"Kahit na binigyan ka ng tiket ng isang airline, kakailanganin mo pa din kumpirmahin ito bago ka pumunta sa airport kasi maaaring may mga pagbabago sa mga flight schedules. Lahat ng tiket na na-issue bago mangyari ang pandemyang ito ay wala nang bisa at hindi tatanggapin ng mga airport authorities,” aniya.

Samantala, ang Department of Transportation, sa pamamagitan ng Civil Aeronautics Board (CAB), ay naglabas ng isang advisory na kung saan ang lahat ng mga airlines ay kinakailangang makuha ang tamang impormasyon, lalo na sa contact details ng mga pasahero, kahit doon sa mga bumili ng tiket sa mga travel agencies, upang matiyak na maayos silang masasabihan ng mga airlines kung makansela ang kanilang flights. Bukod dito, ang nasabing impormasyon ay maaari ring maging kapaki-pakinabang sa contact tracing sa hinaharap.

Inatasan din ng CAB ang lahat ng mga airlines “na gumawa ng angkop na public announcement na pinapayuhan ang mga bumili ng tiket bago ang COVID-19 crisis na ang kanilang flight ay kanselado at kailangan na nilang mag-rebook.”

Pinapayagang mga flights

Sa ngayon, 29 lamang na paliparan sa buong bansa ang bukas para sa operasyon at kahit na sa mga paliparan na pinapayagang magbukas, limitado rin ang mga flight schedules sa kahilingan ng mga lokal na pamahalaan.

Noong Hulyo 6, 2020, kinumpirma ng Cebu Pacific at Cebgo na sila ay magpapatakbo ng limitadong mga domestic flights mula Hulyo 6-31, 2020 “na alinsunod sa mga regulasyon na inisyu ng IATF, pati na rin ang mga limitasyon at mga paghihigpit na itinakda ng mga concerned local government agencies/units.”

Sinabi ng CebuPacific na ang lahat ng mga iba pang naka-schedule na domestic flights ng Cebu Pacific na hindi nabanggit sa kanilang mga flight advisories ay nakansela na, at lahat ng mga international flights ay kanselado na din mula Hulyo 7 hanggang 31, 2020. Ang mga pasahero sa mga kanseladong flights ay hinihikayat na pangasiwaan ang kanilang mga bookings online sa pamamagitan ng kanilang website, bit.ly/CEBmanageflight bago ang kanilang nakatakdang mga petsa ng paglalakbay.