NEWS

ADVISORY

DILG sa mga kritiko: Huwag husgahan, hindi magbibigay-daan sa Martial Law ang MO 32

November 28, 2018

Sinabihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga komunista at oposisyon na huwag husgahan at sirain ang intensyon ng ipinalabas na Memorandum Order (MO) 32 at sinabi pang hindi ito patungo sa pagdeklara ng Batas Militar.

“Ang Batas Militar ay hindi idedeklara sa bansa. Layunin ng MO 32 na makapagmobilisa ng militar at pulisya sa mga lugar kung saan ang mga rebelde ay aktibo. Huwag tayong maging mapanghusga, hindi ito makakatulong," sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sinabi pa nito na mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang nagsabi na wala siyang balak na palawakin ang implementasyon nito sa buong bansa.

Ayon kay Año, binibigyan ng ibang kahulugan ng mga oposisyon at komunista ang naturang kautusan at sinasadyang takutin at sindakin ang mga Pilipino “pero ang totoo ay sa bisa ng MO 32 ay mapapabilis ang pagpapadala ng tropang militar at pulisya mula sa ibang bahagi ng bansa papunta sa Bikol, Samar at Negros Island.”

Sinabi pa nito na ang layunin ng MO 32 ay makapagdeploy ng mas malaking puwersa sa mga lugar kung saan ito mas kailangan at kung saan ang insurgency problem ay nangangailangan ng agarang atensyon ng gobyerno.

"Umaalma ang mga komunista sa kautusan na ito dahil alam nila na lilipulin sila ng mga puwersa ng gobyerno sa oras na sila ay madeploy sa lugar nila,” aniya.

"Ang natatakot lang sa MO 32 ay ang mga kalaban ng gobyerno na gustong pabagsakin ang ating demokrasya," dagdag pa niya.

Isinasaad sa Section 1 ng MO 32 ang “deployment of additional forces of the Armed Forces of the Philippines (AFP) and Philippine National Police (PNP) to suppress lawless violence and acts of terror in the provinces of Samar, Negros Occidental, Negros Oriental, and the Bicol Region and prevent such violence from spreading and escalating elsewhere in the country."

Sinabi ni DILG Chief na ang MO ay siyang magiging susi upang magamit ang mga tropa mula sa ibang lugar patungo sa Bicol, Samar at Negros sa kabila ng pagnanais ng mga lokal na residente at opisyales na manatili ang mga ito sa kanilang lugar.

“Minsan may mga apela ang mga opisyal mula sa LGUs na sumasalungat sa paglipat ng mga sundalo mula sa kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng naturang MO, maaari nang magpadala ang DILG at Department of the National Defense ng mga puwersa sa Bicol bukod pa sa ibang lugar,” sabi nito.

Pinasinungalingan din ni Año ang mga alegasyon na ang MO 32 ay maaaring magbunsod ng pang-aabuso dahil isasaalang-alang aniya ang pangangalaga sa karapatang pantao sa pagpapatupad nito.

"Mayroon po tayong mga safety nets para masigurong walang pang-aabuso na mangyayari,” sabi nito.
Ayon kay Año, nakasaad sa Sections 4 at 5 ng MO 32 ang pagnanais at posisyon ng gobyerno laban sa pang-aabuso sa karapatang pantao habang ito ay ipinatutupad.

Sa Section 4, nakasaad na irerespeto ng AFP at PNP ang karapatan ng bawat tao sa ilalim ng konstitusyon sa pagpapatupad ng MO, samantalang sa Section 5 naman ay binabanggit na mananagot ang sinumang tauhan ng AFP at PNP na gagawa ng anumang paglabag sa karapatan ng mga indibidwal sa ilalim ng konstitusyon.###