NEWS

ADVISORY

DILG sa mga Mayor: Papanagutin ang mga Punong Barangay ukol sa pagbabara ng kalsada

August 2, 2019

Habang nagpapatuloy ang 60-araw na countdown sa paglilinis at pagtatanggal ng nakabara sa mga kalsada, hinihikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga mayor na igiit ang kanilang otoridad at papanagutin ang mga punong barangay para sa malalang pagbabara ng mga daanan.

Ipinahayag ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya na inaasahan ang pangunguna ng mga mayor sa pagtatanggal ng mga iligal na istruktura at mga nakahambalang sa daan, at pagtitiyak na ang mga punong barangay sa kanilang nasasakupan ay nakikisangkot at sumusunod.

"Marami na tayong natatanggap na hinaing mula sa mga tao ukol sa mga Punong Barangay na hindi makatupad at ang mas malala ay aktibong nagiging bahagi ng pagbabara ng mga kalsada. Kailangang papanagutin sila ng mga mayor sapagkat ito ay kanilang tungkulin at mandato," aniya.

"Mahalaga ang pakikiisa ng barangay sa ikatatagumpay ng programang ito. At bilang mga halal na pinuno ng kanilang mga nasasakupan, kailangang gamitin ng mga Mayor ang kanilang kapangyarihan upang matiyak na tatalima ang mga punong-barangay sa pag-uutos ng Pangulo," ani Malaya.

Ipinaalala ni Malaya sa mga Mayor na sa ilalim ng Local Government Code, sila ang dapat dumisiplina sa mga punong barangay at hindi ang pamahalaan. "Igiit ninyo ang inyong otoridad. Huwag ninyo nang iasa pa ang pagbabantay sa mga barangay sa ating National Government."

Ayon sa Section 32 ng Local Government Code, "Ang mga lungsod o bayan, sa pamamagitan ng kanilang Punong Lungsod o Bayan, ang may tungkulin sa pangkalahatang pangangasiwa sa mga barangay upang tiyakin na ang mga ito ay gumaganap sa sakop ng kanilang kapangyarihan at tungkulin."

Aniya, kung kinakailangan, sa mga kaso na nagpakita nang pagtutol ang mga pinuno ng barangay, maaaring gamitin ng mga Mayor ang kanilang political will at disiplinahin ang mga hindi makikisangkot na pinunong ito ng pamayanan.

Noong Hulyo 29, 2019, binigyan ni DILG Secretary ng 60-araw, sa pamamagitan ng Memorandum Circular 2019-121, ang mga Mayor "upang gamitin ang kapangyarihang kinakailangan upang mabawi ang mga pampublikong kalsada na ginagamit sa pampribadong pamamaraan, habang tinatanggal din ang mga iligal na istruktura at konstruksyon."

Ang nasabing DILG memo circular ay pagsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong SONA sa Kagawaran na tiyakin na lilinisin ang mga nakaharang sa pampublikong kalsada ng mga pamahalaang lokal upang makatulong sa pagbawas sa malalang trapiko sa Kamaynilaan.

Ayon kay Malaya, ngayong tapos na ang halalan, ang pagiging magkapartido sa pulitika ay hindi na dapat isyu sapagkat "ang mga opisyal ay kailangan na lamang ituon ang sarili sa pagtupad sa kanilang mandato na ihatid ang serbisyong kinakailangan ng kanilang mga kababayan."

"Tapos na ang eleksyon. Trabaho na ngayon. Maging kapartido o hindi, kailangan nilang parusahan o suspindihin ang mga Punong Barangay na hindi tutupad sa kautusan ng Pangulo," sabi ng DILG Spokesperson.

Ipinaliwanag ni Malaya na hindi naman mangyayari ang pagbabara ng mga kalsada kung hindi ito alam ng mga Punong Barangay.

"Sabi nga ni Secretary Año, imposibleng wala silang alam sa pagtatayo ng mga nakabara sa kalsada na ‘yan. Tama lamang na itama nila ang kanilang mga aksyon sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga clearing operation ng pamahalaang lokal," aniya.

Idinagdag din ng DILG Undersecretary na kailangang kusang tibagin ng mga Barangay ang mga barangay hall na nasa mga sidewalk, kasama na rin ang iba pang nakaharang sa mga daan patungo sa mga pangunahing kalsada at daanan.