NEWS

ADVISORY

DILG sa mga Mayor: Ipawalang-bisa ang business permit ng Kapa

June 17, 2019

Matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng Kapa Community Ministry International inc., hinimok naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng mayor ng lungsod at bayan na kanselahin at/o ipawalang-bisa ang business permit ng Kapa upang ilayo ang publiko sa paglagak ng kanilang pinaghirapang pera sa mapanlinlang na investment scheme.

Hinikayat ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang lahat ng pinuno ng lokal na pamahalaan na itigil ang pagbibigay ng business permit sa Kapa, mga katuwang nitong subsidiary, at mga organisasyon maging ang lahat ng aplikasyon para sa permit ng grupo.

“Marami na ang naloko at marami pa sa ating mga kababayan ang maloloko sa investment scam na ito kung hindi ito aaksyunan ng mga mayor. Siguruhin ninyong hindi na magpapatuloy ang operasyon ng Kapa,” ani Año.

Ang kautusan ng DILG ay inilabas matapos ipawalang-bisa ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang certificate of registration ng Kapa at ma-secure ang higit sa P100-milyong mga asset nito sa pamamagitan ng asset freeze order na ipinalabas naman ng Court of Appeals.

Nauna na ring ipinag-utos ng Pangulo sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation na ipahinto ang operasyon ng Kapa matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa publiko na ang grupo ay nang-iingganyo na mag-donate ng halagang hindi bababa sa P5,000 na may balik na 30% kada buwan.

Sa isang memorandum na inilabas ng DILG noong Hunyo 13, 2019, ipinahayag ng DILG Chief na katungkulan ng mayor ng mga lungsod at bayan sa ilalim ng Republic Act 7160 ng Local Government Code na "mag-isyu ng mga lisensya at permit, at magsuspinde o magpawalang-bisa ng mga ito para sa alinmang paglabag sa mga kondisyon na isinaad sa pagkakaloob ng mga lisensya at permit ayon sa batas."

Binigyang-diin din niya ang business o mayor's permit ay hindi isang karapatan bagkus ay isang pribilehiyo na ibinigay ng Estado sa bisa ng kapasyahan mula sa Korte Suprema na nagdidikta na ang business permit ay nasa ilalim ng regulasyon ng Estado at maaaring bawiin at ipawalang-bisa kung may kaukulang dahilan para dito.

"Sa kaso ng Kapa, malinaw na may pag-abuso sa pribilehiyong ipinagkaloob ng pamahalaan sa pagpasok nito sa isang negosyo na nangangako ng kitang hindi nito kayang tuparin," aniya.

Pinaalalahanan din ni Año ang publiko na maging mapanuri sa kaduda-dudang proposisyon na nangangako nang malaking kita sapagkat mabibigo lamang sila sa huli.

“Sabi nga po ni Presidente, kapag easy money, mas malamang na hindi totoo. Wala pa ring tatalo sa perang nanggaling sa sipag at tiyaga,” aniya.

Nagsimula ang operasyon ng Kapa tatlong taon na ang nakararaan sa Bislig, Surigao Del Sur na lumawak at kumalat sa Mindanao bago ito marating ang Visayas at Luzon.