NEWS

DILG sa mga LGUs: Huwag pagbayarin ng mahal ang mga LSIs para sa medical certificate na kailangan para sa travel authority

May 27, 2020

Nakikiusap ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na huwag singilin ng mahal ang mga locally stranded individuals (LSIs) para sa medical certificates na kailangan nila upang makabalik sa kanilang mga probinsya.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, nakatanggap sila ng mga ulat na may ilang LGUs na naniningil ng P3,000 kapalit ng medical certificate. Sabi pa niya na ang mga nasabing ulat ay iniimbestgahan na, at binigyang-diin pa nito na kung ang natanggap na impormasyon ay totoo, “ito ay sadyang hindi makatarungan sa mga stranded na indibidwal na gusto lamang umuwi sa kanilang mga probinsya.”

“Huwag na po nating singilin pa ng pagkamahal-mahal ang ating mga kababayan na gusto lamang makauwi sa kanilang mga probinsiya. Kung puwede ngang libre na lang dahil wala namang lab tests na gagawin. Huwag na natin silang pahirapan as they have suffered enough kaya nga nila hinahangad na makauwi na,” sabi nito.

Sinabi niya na ang DILG ay nakikiusap sa lahat ng mayors na suriin ang kanilang schedule of fees sa panahon ng COVID at singilin lamang ng kaunting bayad bilang serbisyong pampubliko.

“Gusto nang umuwi ng mga LSI dahil wala na nga po silang pantustos sa pang-araw-araw dahil sila nga po ay stranded. Kung stranded na nga po sila tapos hihingan pa po natin sila ng napakalaking halaga ay parang wala naman po tayong malasakit,” paliwanag ni Año.

Sinabi niya na ang mga LSIs ay kailangan lamang kumuha ng medical certificate at travel authority upang makabalik sa kanilang mga probinsya. Sinabi din niya na ang mga medical certificate ay kailangang i-request sa health office ng LGU, binigyang-diin pa nito na hindi kailangang sumailalim ang LSI sa COVID-19 rapid test o PCR, kung wala naman itong simtomas o kung hindi ito PUM/PUI.

“Itong medical certificate ay nagsasaad lamang na hindi kayo contact, suspect, o probable o confirmed COVID-19 case, at sumailalim ng 14-day quarantine base sa mga protokol ng Department of Health,” aniya.

Pagkatapos makakuha ng medical certificate, ang mga LSI ay maaari nang mag-apply para sa travel authority sa help desk ng kanilang lokal na police station.

Samantala, sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya na habang ipinapatupad ng pambansang pamahalaan ang programang ‘Balik Probinsya, Bagong Pag-asa,’ prayoridad ang maayos na pagbiyahe at pagbabalik ng mga LSI.

Ayon sa National Housing Authority, hindi bababa sa isang milyong residente ng Metro Manila ang inaasahang makikilahok sa programang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa kung saan mahigit 33,000 LSIs na ang nagparehistro.

“Inaasahan ng pamahalaan na milyun-milyong mga Pilipino ang makikinabang sa programang ito kaya inaasahan po namin ang tulong ng lahat ng mga LGUs,” sabi ni Malaya.

Para sa mga indibidwal na interesadong magpalista sa nasabing programa, maaaring gawin ito sa www.balikprobinsya.ph

Samantala, hinimok din niya ang mga nagbayad ng sobrang mahal para sa kanilang medical certificate na i-report ito sa DILG at Philippine National Police (PNP) hotlines. “Kung mayroon pong reports na ganito, ipaalam po ninyo agad sa amin sa DILG at PNP para tawagan namin ang atensyon ng LGU.”

Dagdag pa niya, ang mga tanong ukol sa travel authority ay maaaring matugunan ng Joint Task Force COVID Shield na pinamumunuan ni P/General Guillermo Eleazar. “At para naman po doon sa may mga katanungan tungkol sa travel authority na ang mag-iissue ay ang Joint Task Force COVID Shield, mayroon pong mga hotline na 09988940013 at 09175382495.”