NEWS

DILG sa mga LGUs: Hindi mandatory ang COVID-19 testing sa mga nagbabalik na empleyado

May 26, 2020

Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local governments units (LGUs) na ang COVID-19 testing sa mga personnel ay hindi mandatory o kailangan bago payagang makapasok ang kanilang mga empleyado sa kanilang mga trabaho.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Ano na ang mga empleyado na hindi sumailalim sa coronavirus testing ay maaaring pabalikin sa trabaho dahil ang IATF, DILG at ibang ahensiya katulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI) ay walang ipinalabas na panuntunan sa mga LGUs na kailangan ng Covid-19 test bago pabalikin sa trabaho ang mga empleyado.

"Ang COVID-19 test ay hindi mandatory para makabalik sa trabaho. Wala pong ganyang kautusan na nanggaling sa pamahalaan at maging sa DILG, DOLE at DTI. Nais naming simulan ang ekonomiya at makapagsimula muli ang mga empleyado upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya," ayon kay Ano.

Ayon sa DILG chief, maaaring ipasailalin ng mga kompanya ang kanilang mga empleyado sa rapid anti-body tests subali't ang gastusin nito ay dapat akuin ng kompanya at hindi ng mga empleyado.

"Wala po tayong ipinag-uutos na ganyan, nilinaw na yan ng DOLE at DTI. Kaya sa mga LGU na nag-issue ng executive order na nire-require ang mga kompanya, opisina na dapat i-test. hindi dapat ganoon, wala tayong ganoong ipinag-uutos", sabi nito.

Sinabi kamakailan ni DOLE Secretary Silvestre Bello na ang mga employers ay hindi obligado na ipa-test sa COVID-19 ang kanilang mga empleyado, at pasanin ang gastos kundi “iyon lang may nakikitang sintomas ang dapat ma-test.”

Samantala, ayon sa DILG, imbes na mandatory testing sa mga nagbabalik na empleyado, screening o diagnostic test ang isagawa ng kompanya pati na ang mga ahensiya ng gobyerno at mga LGUs.

Sinabi pa nito na ang testing ay hindi praktikal sa mga employers dahil sa limitadong test kits sa ngayon. Dagdag pa nito, ang test ay kailangan lang sa mga indibidwal na may travel history sa mga bansang may mga kaso ng coronavirus, may sintomas ng COVID o may exposure sa confirmed positive case.

Hinikayat ng DILG Chief ang mga kompanya na pasagutin sa disclosure form ang mga nagbabalik na empleyado kung saan nakasaad dito ang kanilang ginawa sa loob ng nakaraang 14 na araw at siguraduhin ang pagsagot ng tapat ng mga personnel dahil ito ang unang paraan para mapigilan ang paghawa-hawaan sa pinagtatrabahuan.

"Yung mga bumabalik na empleyado ay kailangang magfill-out ng disclosure form para sa nakalipas na 14 araw, kung saan sila nanggaling, mayroon ba silang nakausap na kamag-anak na nag-positive, gaano sila kalapit sa isang kapitbahay na nag-positive para mailagay sila sa PUMs," paliwanag nito.

Hinikayat nito ang mga kompanya at LGUs at mga empleyado na ipraktis ang minimum health standards upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus sa lugar ng trabaho.

"Ang panglaban naman natin diyan ay ‘yung minimum health standards na dapat magsuot ka ng face mask, practice physical distancing na dalawang metro at saka dapat sa mga pinagtratrabuhan natin ay may mga engineering barriers para hindi magkakalapit ang mga manggagawa," sabi nito.