NEWS

DILG sa mga LGU: Maghigpit sa pagbigay ng PWD IDs, tiyakin ang ID ay mabibigay sa mga lehitimong PWD lamang

June 25, 2020

Kasunod ng mga ulat ng mga taong pinepeke ang kapansanan para mapakinabangan ang mga PWD discounts, sinuportahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panawagan ng Kongreso para supilin ang paglaganap ng mga pekeng PWD IDs at hinimok nito ang mga local government unit (LGUs) na maghigpit sa pagpapalabas ng mga identification card sa mga PWD at tiyakin na ang mga nasabing ID ay ibinibigay sa mga lehitimong PWD lamang.

“Maganda ang intensyon ng batas pero mayroong mga taong gustong abusuhin ang pribilehiyong ibinibigay sa mga tunay na PWDs. Dapat maging maingat ang mga LGU sa mga taong nais magkaroon ng PWD ID kahit na hindi sila karapat-dapat sa mga pribilehiyo ng PWD,” sabi ni DILG Secretary Eduardo Año.

“Buo ang aming suporta sa Kongreso sa usapin kung nais nilang suriin ang batas o ang IRR. Hindi dapat magpatuloy ang ganitong pamemeke at pag-aabuso sa paggamit ng PWD IDs dahil baka mabangkarote pa ang mga business establishments lalo na ngayong panahon ng COVID-19,” aniya.

Sinabi ni Año na dapat siguraduhin ng mga LGU na ang hangarin ng Republic Act No. 10754 [Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability (PWD)] pati na ang implementing rules and regulations (IRR) nito ay sinusunod at hindi inaabuso ng mga nais magkaroon ng PWD discounts.

Pinaalalahanan ng DILG Chief ang lahat ng Local Government Units na ang PWD IDs ay dapat ibigay sa mga taong may long-term physical, mental, intellectual, o sensory impairment na maaaring makahadlang sa kanilang “full, effective, at equal participation” sa lipunan alinsunod sa United Nations Convention.

Sa ilalim ng RA No. 10754, ang mga PWD ay binibigyan ng 20% discount; exemption sa value-added tax (VAT); 5% discount sa mga pangunahing bilihin at mga pangangailangan; at libreng paggamit ng mga express lanes para sa mga commercial at government transactions.

Dalawang kinatawan ng party-list ang nanawagan para sa pagsusuri sa pagpapatupad ng PWD law at IRR nito, at sa pagsupil sa paglaganap ng mga pekeng PWDs na nakakuha ng pekeng PWD IDs at nagpapakasasa sa mga diskwento sa mga restaurants at ibang pang mga pribilehiyo kahit na walang pisikal na kapansanan.

Sinabi ni Rep. Ronnie Ong ng Ang Probinsyano Party-list na manipis ang pananggalang ng batas laban sa mga nagpapanggap na PWD at wala man lang itong uniform specification tungkol proof of entitlement kaya madali para sa sa mga tao na gumawa ng pekeng PWD IDs. Samantala, iminungkahi ni Rep. Eric Yap ng ACT-CIS na maglagay ng isang centralized system na paglalagakan ng impormasyon at datos para sa mas madaling beripikasyon.

Hinikayat din ng Kalihim ng DILG ang mga business establishments na iulat sa mga pulis at issuing LGU ang mga pagkakataong ginamit ang isang pekeng PWD ID. “Kung walang magrereport, hindi natin mapipigilan ang ganitong panggugulang. Kaya't hinihikayat namin ang mga business establishments na magsabi kung nakatagpo sila ng mga PWD impersonators na may IDs para matugunan agad ng mga kinauukulan,” aniya.

Sa ilalim ng batas, ang mga PWD ID ay maaaring ibigay ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) o ng City/Municipal Social Welfare and Development Office (C/MSWDO) sa mga tao na may sumusunod na kapansanan: Psychosocial disability – kasama ang bipolar disorder, depression, ADHD, schizophrenia, epilepsy, at iba pang long-term at recurring mental o behavioral issues; Disability na dulot ng chronic illness – kasama ang orthopedic disability sanhi ng cancer, pagkabulag sanhi ng diabetes, at iba pang disabilities dahil sa chronic disease; at Learning disability – kasama ang processing problems na humahadlang sa pag-aaral ng math, pagbasa, pagsulat at iba pang basic skills.

Ang iba pang mga uri ng kapansanan na saklaw ng batas ay ang visual disability – ang simpleng kalabuan ng mata ay hindi nangangahulugan magkakaroon ka ng PWD ID, maliban kung ang visual impairment ay hindi na maiwasto; Orthopedic (Musculoskeletal) disability – kasama ang mga taong may dwarfism at amputated hands or feet. Ang mga taong may scoliosis ay maaari ring mag-aplay ng ID; Mental/Intellectual disability; Hearing disability; Speech impairment; at multiple disabilities.