NEWS

ADVISORY

DILG sa mga LGU: “Go digital” para matigil ang pagkalat ng COVID-19 at mapalakas ang ekonomiya

July 8, 2020

Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na palakasin ang kanilang digital economy patungo sa mga digital na transaksyon sa pamahalaan upang mabawasan ang pakikisalamuha, mapigilan ang paghahawaan, at mapalakas ang economic activity ng bansa habang patuloy na labanan ang pandemyang COVID -19.

Hinikayat din ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang lahat ng LGUs na paspasan ang pagpapalabas ng mga permit at clearance sa pagpapatayo ng mga mahahalagang imprastraktura na kailangan para sa digital connectivity sa buong bansa, kasama dito ang pagpapatayo ng mga cell sites para mapabilis ang internet connectivity.

Sinabi niyang napapanahon na ang pagiging digital. Aniya, higit pa sa pagsulong ng teknolohiya, ang digitized government at consumer transactions ay mga hakbang na magpapabagal sa pagkalat ng virus.

“Ang milyun-milyong nagtatrabaho sa kani-kanilang bahay, ang mga estudyanteng inaasam ang on-line na pag-aaral, at ang mga manggagawang umaasa sa digital economy ay umaasa sa pamahalaan na matugunan ang mga gaps sa ating internet infrastructure. Kaya't hinihikayat namin ang lahat ng mga LGUs na palakasin ang kanilang digital platforms sa kanilang mga pamayanan habang patungo tayo sa new normal,” aniya.

Sa isang webinar tungkol sa digital disbursement, sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na ang mga digital platform ay maaaring maging katuwang ng mga LGU sa pagtiyak sa kalusugan at kaligtasan ng publiko habang naisusulong ang paglago ng ekonomiya. “Kailangan n’yong balansehin. Dapat simulan natin ang pagbangon muli ng ekonomiya kahit na nakikipaglaban tayo sa COVID.”

Sa kabila ng kanilang pagiging abala sa pakikipaglaban sa pandemya, ang mga LGUs, aniya, ay may isang pambihirang pagkakataon at pangunahing papel sa pagpapalakas ng digital platform, hindi lamang sa mga serbisyo ng gobyerno, kundi pati na rin sa pagbuo ng tiwala ng mga negosyo at mga mamimili sa mga panahong ito.

Sinabi ng tagapagsalita ng DILG na dapat hikayatin ng mga LGUs ang mga negosyo na gamitin ang online money transfer – "na naging bahagi na ng new normal"– sa halip na pisikal na pagbabayad. “Maraming negosyo ngayon ang gumagamit na ng mga financial services mula sa mga major payment gateways tulad ng Smart Padala, Gcash, PayMaya, Google, and Click2Pay na malaki ang binago sa ating karanasan sa online payments – mula sa makalumang “pasaload” hanggang sa mas sopistikadong proseso ng online payment,” aniya.

Sinabi niya na maraming pakinabang ang cashless payment, dahil ito ay nagduudlot ng malaking kaginhawaan at nakatugon sa pangangailangan ng kliyente, at mas nakatitipid pa sa oras kaysa sa karaniwang mga payment medium.

Nanawagan din siya sa mga LGUs na magtayo ng isang network at pakikipagtulungan sa iba't ibang mga online payment providers. “Mahalaga ang papel na gagampanan ng mga LGUs sa paghahatid ng mahusay na serbisyo publiko – upang matiyak na ang bawat mamamayan ay makikinabang sa inisyatibo na ito, susulong tayo kasama ang pribadong sektor.”

Cashless payment sa mga transaksyon ng gobyerno

Sa parehong webinar, binigyang diin ni Malaya ang mga pakinabang ng paglipat sa cashless payment para matulungan ang iba't ibang mga serbisyo ng gobyerno sa gitna ng coronavirus pandemic.

Sinabi ni Malaya na ang isa sa mga posibleng pangunahing benepisyo ng cashless payments ay ang pamamahagi ng 2nd batch ng Social Amelioration Program (SAP) subsidy.

Sinabi niya na ang manu-manong pamamahagi ng P97.7211-bilyong pondo ng 1st tranche ay tumagal ng ilang linggo bago makumpleto noong Mayo 13, 2020, habang ang P16.809-bilyong pondo ng SAP para sa 3.824 milyong 4Ps families ay agad nilang natanggap sa kanilang cash card o automated teller machine (ATMs).

Sinabi rin niya na itinaguyod ng pamahalaan ang paggamit ng online payment sa pagbabayad ng mga buwis at mga mandatory social contributions, tulad ng GSIS, BIR, SSS, PagIBIG, at PhilHealth.

“Sa kabila ng ilang mga isyu sa seguridad na tinitiyak ng pamahalaan na maaring salungatin, ang online payment ay nakikitang makakabawas sa red tape at cost of doing business dahil ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Ease of Doing Business Act, ay inatasan na i-automate ang kanilang mga proseso kasama dito ang pagbabayad ng buwis, fees, at charges,” aniya.

Samantala, sinabi pa niya na ang ilang sa mga best practices na ipinatutupad sa bawat LGU bilang bahagi ng kanilang hakbang sa pagtugon sa Covid-19, tulad ng online disbursement ng subsidies para sa mga Senior Citizens, PWD, atbp., pati na ang online payment para sa business at real property taxes.

Inanunsyo ng BSP na 65 ahensya ng pamahalaan ang kasalukuyang gumagamit ng Land Bank of the Philippines (LBP) electronic portal para sa iba’t-ibang online services, at may karagdagang 180 ang inaasahang gagamit nito sa susunod na ilang buwan. Itinataguyod din ng ahensya ang paggamit ng mga QR codes – bilang isang simpleng pamamaraan ng online payment – kung saan 21 BSP-supervised financial institutions na ang gumagamit sa kasalukuyan.