NEWS

DILG sa LGUs: Maglagay ng bike lanes, motor taxis ipinagbabawal pa rin

June 1, 2020

Habang ang bansa ay patungo na sa tinatawag na new normal, hinikayat ng Department of the Interior ang Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na magpagawa ng mga bike lanes sa lahat ng mga kalsada bilang suporta sa mga manggagawa na napiling mag-bisikleta patungo sa kanilang mga pinag-tratrabahuhan dahil sa bawas na pampublikong transportasyon sa ilalim ng General Community Quarantine.

Sa isang Advisory, inatasan ni DILG Secretary Eduardo M. Ano ang mga gobernador, city at municipal mayors na makipag-ugnayan sa mga kalapit na LGUs upang maikonekta ang mga bicycle lanes at makagawa ng isang bicycle road network.

"Dahil sa kakulangan ng pampublikong masasakyan, marami ang magbibisikleta patungo at pabalik sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. Dapat handa ang mga bike lanes sa LGUs upang masiguro ang kaligtasan ng mga siklista," sabi nito.

Sinabi rin ng DILG Secretary na dapat siguruhin ng LGUs na walang obstruction sa mga bike lanes para maiwasan ang ano mang aksidente dito.

"Siguraduhin po nating walang nakahambalang sa dadaanan ng bisikleta sa inyong lugar para iwas-disgrasya at para maging mabilis ang biyahe ng mga siklista," sabi pa nito.

Ayon pa sa DILG Chief, ang bisikleta ang isang uri ng sasakyan na hinikayat gamitin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID). “Ayon sa Omnibus guidelines sa pagpapatutupad ng Community Quarantine na ipinalabas ng IATF, inirerekomenda ang paggamit ng bisikleta at iba pang uri ng hindi de-motor na transportasyon," sabi nito.

“Ngayong tayo ay nasa new normal, hinihikayat natin ang bawa't isa na gumamit ng mga bike. Mainam sa kalusugan ang pagba-bike, at tsaka, matipid pa.Hindi mo na kailangang bumili pa ng gasolina," sinabi ni Año.

Sinabi niya sa mga LGUs na gumawa ng mga batas o ordinansa na magpapataw ng multa sa mga lalabag sa paggamit ng bike lanes upang masiguro na ang motorista at siklista ay sumusunod sa mga regulasyon sa mga naturang kalsada.

Ayon pa dito, dapat sundin ng mga LGUs ang disenyo ng Department of Transportation (DOTrs) sa paglalagay ng plastic bollards, stencil markings at signage sa mga designated bike lanes para sa kaligtasan ng mga nagbibisikleta sa mga pangunahing kalsada kung saan may mga mabibilis at malalaking bus at sasakyan ang dumadaan.

Ipinaalala din sa mga LGUs ang istriktong pagpapatupad sa mga health at safety protocols gayundin ang pagsusuot ng face masks ng mga taong gumagamit ng naturang lane at sa lahat ng pampublikong lugar.

"SOP na dapat ang pagsusuot ng masks at physical distancing sa mga pampublikong lugar. Masanay na tayo sa ganitong sitwasyon habang wala pang gamot at vaccine laban sa Covid-19," sabi nito.

Motor taxis bawal pa din

Samantala, sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na ang mga motor taxis mula sa mga motorcycle ride-sharing apps katulad ng Angkas ay ipinagbabawal pa rin sa GCQ at MECQ sa ilalim ng IATF guidelines.

"Alam po namin na marami pong umaasa sa Angkas at iba pang motor taxis para makarating sa kanilang trabaho at destinasyon ngunit dahil sa banta ng Covid-19 , hindi pa rin pinahihintulutan ng gobyerno ang ganitong mode of transportation dahil sa violation ng physical distancing," sinabi ni Malaya.

Sa DILG Memorandum Circular no. 2020-083, inatasan ang lahat ng LGUs na istriktong ipagbawal ang motor taxis operation bilang regulatory measures sa public transportation sa ilalim ng MECQ at GCQ.

Sinabi ni Malaya ipinagbabawal pa rin ang pagsakay sa likod ng motorsiklo kahit sa mag-asawa bilang bahagi ng physical distancing measures dahil magkakaroon ng close contact sa pagitan ng dalawang tao na maaaring maging sanhi ng transmission ng Covid-19.

"Naiintindihan natin ang hiling ng marami nating kababayan kaya lang ang pagsakay sa likod ng motorsiklo ay isang malinaw na violation ng physical distancing at mahirap sa kapulisan na i-check ang bawa't motorcycle kung mag-asawa nga ang nakasakay. Kung pahihintulutan naman natin ito, babahain tayo ng maraming violation mula sa mga hindi pinahihintulutan dito. Mas mataas ang panganib na idudulot sa kalusugan kaysa sa mga benepisyong makukuha dito," sabi pa ni Malaya.

Ilan sa mga maaring masakyan na iminungkahi ng DOTr sa post-pandemic period ay ang bisikleta at modernized PUVs dahil hindi masyadong magkakadikit ang mga tao dito at maiiwasan ang pagkalat ng virus sa mga pasahero.