NEWS

DILG sa CPP: Hindi mangmang ang mga LGUs para suportahan kayo

December 14, 2020

Kasunod ng mga paratang ng Communist Party of the Philippines na ang mga local government units (LGUs) ay napipilitang ideklara ang CPP-NPA-NDF bilang persona non grata sa dahil sa pananakot na hindi irerelease ang kanilang badyet, sinabi ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na "ang mga LGU ay nagtatamasa ng lokal na awtonomiya, hindi sila mang-mang para suportahan ang walang Diyos at nakalipas nang ideolohiya ng mga communist terrorist groups (CTGs), at punding-pundi na sila sa karahasan at kalupitan ng CPP-NPA-NDF."

"Huwag ninyong insultuhin ang kaisipan ng ating mga opisyal sa lokal na pamahalaan. Hindi mangmang ang mga LGUs at hindi sila madidiktahan na gumawa ng mga bagay na labag sa kanilang kalooban. Ang katotohanan pa'y mulat ang mga mata nila at saksi sila sa panloloko ng CPP-NPA-NDF sa kanilang mga lugar," sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Sinabi ni Año na mali ang pahiwatig ng CPP na pinipilit ang LGUs na maglabas ng naturang deklarasyon dahil ang mga LGUs ay hindi hangal at mga inutil na papet. "Sa kabaligtaran, alam na alam nila ang sitwasyon sa ibaba at ang panliligalig at pangingikil ng CTG sa mga negosyo at mga pananambang at pagsalakay sa mga puwersa ng pamahalaan na humantong sa halos 40,000 na pagpaslang sa mga pulis, militar, at mga sibilyan sa higit sa 50 taon nilang paghahasik ng lagim sa kanayunan."

"Kaya hindi naman nakapagtataka na ideklara ng higit sa 1,500 LGUs na persona non grata ang mga kriminal at teroristang ito dahil matagal na silang nagpapahirap sa bayan at salot sa lipunan," aniya.

Kamakailan ay inihayag ng DILG na may kabuuang 1,546 LGUs sa buong bansa ang nagdeklara sa CPP-NPA-NDF bilang persona non grata sa kanilang mga lokalidad. Bilang tugon, naglabas ang CPP ng isang pahayag na sinasabing ang mga nasabing LGUs ay sapilitang ipinapasa ang deklarasyon kung hindi ay pipigilan ang kanilang badyet.

Sinabi ng Kalihim ng DILG na ang pagtatangka ng CPP na idugtong ang isyu ng persona non grata sa paglalaan ng badyet para sa mga LGU ay 'parang kuwento lang sa teleserye.'

"Wala na talaga silang maisip na palusot kaya kinakabit nila ang pagdeklara ng persona non grata sa usapin ng budget para sa mga LGUs. Taktika na naman nila ito para linlangin ang publiko at matabunan ang katotohanang isinusuka na sila ng bayan," aniya.

Ayon kay Año, ang taunang Internal Revenue Allotment (IRA) para sa LGUs ay awtomatikong inilalabas at na-download sa kanila alinsunod sa probisyon ng Saligang Batas. Ngayong 2020 lamang, sinabi niya na ang mga pamahalaang lokal ay nakatanggap ng humigit sa P640-bilyong pondo nang walang reklamo mula sa LGUs.

“Lahat ng pondo para sa mga LGU na ultimately ay para sa mga mamamayan ay nakakarating sa kanila. Yan ang katotohanan,” paliwanag niya.

Sa katunayan, binigyang diin din ng Kalihim na ang mga LGU ay nakatanggap ng higit na badyet sa taong ito sa pamamagitan ng Bayanihan To Heal as One Law at Bayanihan to Recover as One Law bilang pagtugon sa COVID-19 public health emergency na pinapabulaanan ang pinahiwatig ng CPP na pagmamanipula ng badyet.

Sa Bayanihan 2 Law na lamang, sinasamantala ng mga LGU ang P1.5-bilyong laang budget sa ilalim ng COVID-19 Local Government Support Fund sa mga lalawigan, munisipalidad, at lungsod para sa kani-kanilang mga hakbangin sa pagtugon sa COVID-19. Samantala, sa kanyang ulat sa Kongreso, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na P18-bilyong halaga ng tulong sa badyet ang ibinigay sa mga LGU sa pamamagitan ng Bayanihan 1 Law.

Sinabi niya na ang naturang paratang tungkol sa pagwithhold ng budget ay fake news. "Ito ang karaniwang black propaganda ng mga CTGs."