NEWS

ADVISORY

DILG pinuri ang PNP sa mas mababang bilang ng krimen noong Mayo

June 18, 2019

Pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) sa walang-puknat nitong pagkilos para sugpuin ang kriminalidad sa bansa matapos bumaba ng sampung porsiyento ang naitalang bilang ng krimen nitong nakaraang buwan ng Mayo.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, base sa datos ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management, nakapagtala lamang ng 38,284 na kaso ng krimen noong Mayo 2019 kumpara sa 42,527 na naitala sa parehong buwan noong nakaraang taon.

“Pagbati sa PNP sa pagpapanatili ninyong ligtas ng ating mga kalye at mga mamamayan. Ipagpatuloy ninyo ng buong sipag ang inyong mga inisyatibo laban sa krimen,” ani Año sa lingguhang PNP Convocation sa Camp Crame.

Ayon sa datos mula sa PNP, bumaba sa 5,744 o katumbas ng 22.6% ang index crimes nitong Mayo 2019 kumpara sa 7, 421 na naitala noong Mayo 2018. Kabilang sa index crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping of MV, carnapping MC, at cattle rustling.

Samantala, bumaba rin ng 7.31% ang non-index crimes na sumuma sa 32,540 nitong Mayo 2019 kumpara sa 35,106 noong Mayo 2018.

Kabilang sa mga non-index crimes ang mga kaso tulad ng reckless imprudence resulting to homicide, reckless imprudence resulting to physical injury, reckless imprudence resulting to damage to property at violation of special laws.

Binigyang-pugay rin ni Año ang kapulisan sa pagnanais nitong linisin ang kanilang hanay na ayon sa kanya ang siyang magpapanumbalik sa tiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan.

“Nais kong batiin ang PNP sa ipinapatupad nitong internal cleansing program laban sa mga tiwali at abusadong pulis na naglalayong tanggalin ang mga scalawags. Napakalaki na ng naitutulong ng PNP sa hangarin nating maibalik muli ang tiwala at pagmamahal ng mga tao sa pamahalaan,” aniya.

Sa parehong programa, iginawad kay P/Gen. Oscar Albayalde ang PNP Distinguished Service Medal para sa kanyang paglilingkod bilang overall commander ng PNP Security Task Force 2019 noong Mayo 13, 2019 midterm elections.

“Sa pamumuno ni General Albayalde, naging malaking tulong ang ating mga kapulisan upang siguruhing maayos ang 2019 midterm elections,” ani ng Kalihim, lalo na’t ayon pa sa kanya ay hindi biro ang mga kaganapan tuwing eleksyon sa Pilipinas.

Binanggit din ni Año na bumulusok sa 60% ang election-related violent incidents (ERVI) nitong nakaraang halalan. Kumpara sa naitalang 106 ERVI na naiulat noong 2016, 43 ERVI na lamang ang naitala nitong eleksyon.

Bukod kay Albayalde, sampung iba pang Marawi Crisis Commanders ang ginawaran ng PNP Distinguished Conduct Medal. Ito ay matapos nilang siguruhing mahusay na naisasagawa ng mga pulis ang kani-kanilang mga trabaho sa ‘Ground Zero’ o sa kalapit na lugar noong Marawi Siege.