NEWS

ADVISORY

DILG pinaalalahanan ang mga pamahalaang lokal, kandidato na linisin ang mga basura ng halalan

May 14, 2019

Isang araw matapos ang halalan, pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pinuno ng pamahalaang lokal at mga kandidato na pangunahan ang agarang paglilinis at pagtatanggal ng kanilang mga election campaign material.

“Tapos na po ang halalan at nakapili na ang mga mamamayan kung sino sa palagay nila ang karapat-dapat na magsagwan sa kanila tungo sa tunay na pagbabago. Ang gawain na kailangang agaran ninyong isakatuparan ay hikayatin ang inyong mga tagasuporta na linisin ang mga kalat ng halalan sa mga pamayanan," ani DILG Secretary Eduardo M. Año.

"Manalo man o matalo, ipakita ninyo na kayo ay sport at malinis ang inyong hangarin para sa inyong pamayanan sa pamamagitan ng pakikibahagi sa paglilinis sa iyong mga lugar," dagdag pa niya.

Ipinahayag ni Año na lahat ng Kapitan ng Barangay, Punong-Bayan/Lungsod, at Punong-Lalawigan ay inaasahang mangunguna sa paglilinis katuwang ang mga kawani ng lokal na pamahalaan lalo na ang Sanitation Division o Environmental Management Office.

“Pagtulung-tulungan po natin ang pagtanggal ng mga kalat nitong nakaraang eleksyon. Ito ang ating unang hakbang para ipakita na magkakasama rin tayo sa pangangalaga at pagpapaunlad ng ating mga komunidad,” aniya.

Ayon kay Año, inaasahan niya na tulad noong nakaraang halalan, tone-toneladang basura ang maiiwan sa mga kalsada at pampublikong lugar patungo at sa mismong mga presinto dahil sa mga sample ballot, flyer, leaflet, at tarpaulin na ipinamigay ng mga kandidato.

“Nakakalungkot na may mga taong sadyang walang pakialam at kahit saan na lang nagtatapon at nag-iiwan ng kanilang basura. Kailan kaya tayo matututo?” pahayag niya.

Noong nakaraang taon, nakapaghakot ang Manila Development Authority (MMDA) ng ilang truck na puno ng basurang karamihan ay mga poster, tarpaulin, at plastik matapos ang halalan sa ilang lugar lamang sa Metro Manila.

Sinabi ni Año na ang pagtatanggal sa basurang iniwanan ng halalan ay hindi lamang makapaglilinis sa kapaligiran ngunit "magiging isa din itong pagkakataon para magkatipon-tipon at magkaisa, magsimula muli at manalig ng mas magagandang bagay para sa ating mga kababayan at bansa."

“Ipakita natin na masinop at may disiplina tayong mga Pilipino. Alisin na natin ang anumang bahid ng katatapos na eleksyon at magsimula tayo ng malinis ang ating kapaligiran at malinis ang ating hangarin sa paglilingkod,” aniya.

Binanggit ng DILG Chief na ang paglilinis sa mga pampublikong paaralan na nagsilbing mga polling precinct ay kailangang agarang isagawa bago ang pagbubukas ng klase sa Hunyo. "Kailangan nating linisin ang mga paaralan at mga kalapit na lugar nito bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo," paliwanag niya.

Sinabi ni Año na ang lahat ay kailangang magtulungan at agarang kumilos sa paglilinis ng mga kalat ng halalan sapagkat maaari itong bumara sa mga kanal at daanan ng tubig na kalaunan ay maaaring maging sanhi ng pagbaha.

“Mas magiging malala ang sitwasyon kapag umulan dahil siguradong magdudulot ng baha ang basurang ikinalat natin kaya kumilos na agad tayo,” aniya.