NEWS

ADVISORY

DILG pinaalalahan ang incumbent local officials na maging patas sa paggawad ng permit sa political rallies sa panahon ng kampanya

April 25, 2019

Dalawang linggo bago matapos ang kampanya, pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga nakaupong alkalde ng mga lungsod at bayan na maging patas sa pagbibigay ng permit para sa mga political rally para sa eleksyon ngayong taon.

"Lumaban kayo nang patas. Huwag nating ipagkait sa mga botante ang pagkakataong lubos na makilala ang kanilang mga kandidato na makatutulong sa kanilang pagpapasya kung sino ang iboboto," ani DILG Secretary Eduardo M. Año matapos ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilan sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan ay hindi nagbibigay ng pahintulot na makapaglunsad ng policital rallies ang kanilang katunggali.

“Kung gusto kayo ng tao, iboboto nila kayo ulit. Kaya naman tigilan na natin ang mga ito at itampok na lamang ang ating mga plataporma para sa mga mamamayan at hayaang sila ang humusga," dagdag niya.

Sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular 2019-61, ipinahayag ni Año na ang Seksyon 87 ng Batas Pambansa Bilang 881 o Omnibus Election Code ay nagsasaad na ano mang partidong pulitikal ay may kalayaang magdaos ng mapayapang political rallies, pagpupulong, at iba pang katulad na gawain sa panahon ng kampanya.

Itinatadhana din nito na ang aplikasyon para makakuha ng pahintulot ay kailangang kinilala sa pamamagitam ng liham, naipaskil sa mga mataong lugar sa gusaling panlungsod o munisipalidad, at sinagot ng otoridad sa pamamagitan din ng liham sa loob ng tatlong araw matapos itong mai-file at kung hindi ay mangangahulugang ito ay binigyan na ng pahintulot.

"Ang karapatang magdaos ng political rallies ay muling binigyang-diin ng Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng resolusyon na nagsasaad na lahat ay kailangang bigyan ng patas at pantay na pagkakataon sa petsa, oras at lugar na pagdarausan ng kanilang political rally," ani Año.

Ang Comelec Resolution No. 10488 na may petsang Enero 30, 2019 ay nagsasaad din na labag sa batas na tumanggap o magbigay, manlibre, tuwiran man o hindi ng transportasyon, pagkain at inumin o anumang may halaga sa loob ng limang oras bago at matapos ang pagtitipon o magbigay o mag-ambag, tuwiran man o hindi ng pera o anumang may halaga ang sino mang kandidato.

"Kapwa binibigyang-diin ng Omnibus Election Code at Comelec resolution na ang tanging katanggap-tanggap na dahilan upang hindi maibigay ang pahintulot na makapaglunsad ng political rally ay kung may iba ng kandidatong pinahintulutan na magdaos ng parehas na rally," ani Año.

Ang nasabing hindi pagbibigay ng pahintulot ay maaari pa ring iapila sa provincial election supervisor o sa regional election supervisor, para sa mga kaso sa National Capital Region, na siyang magpapasya sa loob ng 48 ng oras, aniya.

"Lahat ng pinuno ng lokal na pamahalaan ay pinapaalalahanan na bilang mga lingkod-bayan, tungkulin natin na manguna tungo sa malaya, maayos, tapat, mapayapa at mapagkakatiwalaang halalan. Kaya naman ang pagtugon sa mga batas pang-eleksyon ay kailangang unahin bago ang personal na interes," pahayag ni DILG Secretary Año.

Ang panahon ng kampanya ay halos tatlong buwan na para sa mga kandidato sa pagka-senador at mga party-list group, at mahigit sa isang buwan para sa mga punong lalawigan hanggang sa konsehal ng bayan at kinatawan ng distrito.