NEWS

ADVISORY

DILG nilinaw na pinagbabawal pa rin ang tricycles at pedicabs sa national highways sa lahat ng lugar sa ilalim ng GCQ at MGCQ

June 5, 2020

Ipinagbabawal pa rin ang pagdaan ng mga tricycles at pedicabs sa national highways sa lahat ng lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).

Ito ang agarang paglilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya nitong Huwebes matapos niyang makausap si DILG Secretary Eduardo M. Año, Presidential Spokesperson Harry Roque, at Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

“Nililinaw po ng DILG na bawal pa rin ang tricycles at pedicabs sa national highways kahit pa nasa GCQ o MGCQ level na ang ilang lokalidad. Bago pa man magsimula ang pandemya ng COVID-19 (coronavirus disease 2019) ay ipinagbabawal na ito ng batas para na rin sa kaligtasan ng publiko,” aniya ni Malaya.

Kaniyang pinaliwanang na ang nasuspinde lamang ay ang Road Clearing Operations 2.0 dahil sa COVID-19 ngunit nananatili pa rin ang pagbabawal sa mga tricycles at pedicabs ayon sa batas. “Ang atin pong tinigil muna pansamantala ay ang Road Clearing Operation 2.0 dahil sa COVID, ngunit ito po ay pansamantala lamang," dagdag pa nito.

Bukod pa sa Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, naglabas ang DILG ng mga direktiba --- DILG Memorandum Circulars (MCs) 2020-036, 2020-004, 2011-68 at 2007-11 --- na nagbabawal sa operasyon ng mga tricycles at pedicabs sa mga national roads at nagbibigay rin ng panuntunan sa kondisyong dapat sundin para sa operasyon at pagbigay prangkisa sa mga tricycles.

Ayon naman kay Año, ang mga local government units (LGUs) ang nangangasiwa sa operasyon ng mga tricycles at padyak na bumibiyahe sa mga secondary roads. “Pinapayagan lamang po ang operasyon ng tricycles sa secondary roads at ipinag-uutos na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang one-passenger, no-back ride policies sa lahat ng GCQ at MGCQ areas,” aniya ni Año.

Sumang-ayon at ipinapaalala ni Año ang sinabi ni Presidential Spokesperson Roque na hindi maaaring magbigay ng authorization ang mga alkalde na payagan ang pagba-backride sa mga GCQ at MGCQ na lugar alinsunod sa direktiba ng IATF.

“Ibayong pag-iingat pa rin po ang ipinapatupad kahit pa GCQ o MGCQ na. Batid man ng gobyerno ang daing sa transportasyon ay kailangang manguna pa rin ang pagsunod sa physical distancing at iba pang health safety protocol dahil hindi pa naman po nawawala ang banta ng COVID-19. ‘Di pa tayo puwedeng maging kampante,” dagdag ni Año.

“Ang pamamasada ng tricycles sa secondary roads ay konsiderasyon sa mga tricycle drivers na nakasalalay ang kabuhayan dito subalit kailangang sundin ang mga pag-iingat na bahagi na ng ating ‘new normal’," paglilinaw nito.

Kaligtasan sa mga pampublikong sasakyan

Diin ni DILG Spokesperson Malaya, dapat nakasuot lagi ng face mask o di kaya’y face shield at glove ang mga tricycle driver at isang pasahero lang kada pasada alinsunod sa pagpapatupad ng physical distancing, maliban na lamang kung ang pasahero ay may medical emergency at kailangang may kasama.

Alinsunod sa MC 2020-083, pinapaalala ng DILG sa mga LGUs na lahat ng uri ng pampublikong sasakyan, mga terminal at pasilidad ay dapat regular na i-disinfect at magpatupad ng social distancing ayon sa payo ng Department of Health (DOH) at ng IATF.

Upang mapatupad ang physical distancing, lahat ng public utility vehicles (PUVs) at mga pribadong sasakyan ay maaari lamang magsakay ng 50% o kalahati ng normal nitong seating capacity at gawin pa rin ang physical distancing sa loob ng mga PUV at sa terminal, pati na rin sa pagpila sa pagpasok mismo sa sasakyan at sa pagpasok sa terminal.

Binigyang diin din ni Malaya na ang paghahatid o pagbibigay ng masasakyan sa medical frontliners ay dapat pa rin ipagpatuloy.

“Bigyan prayoridad parin natin ang pagkakaroon ng masasakyan ng ating medical frontliners. Kasama dito ang mga free transport services, libreng sakay galing sa gobyerno, at ang prayoridad sa mga terminals sa pagsakay ng mga PUV,” dagdag ni Malaya habang tinutukoy ang alituntunin ng MC 2020-083.