NEWS

DILG natanggap na ang ulat ng PNP ukol sa 'di umano'y ‘quarantine breach’ nina Roque, Pacquiao

December 21, 2020

Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Lunes na natanggap na nito ang imbestigayon ng Philippine National Police (PNP) sa 'di umano'y quarantine violations nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Senador Manny Pacquiao.

Isinigawa ng PNP ang naturang imbestigasyon galing sa direktiba ni DILG Secretary Eduardo M. Año upang siyasatin ang sinasabing nilabag na COVID-19 health protocols sa magkaibang okasyon 'di umano nina Pacquiao sa Agoncillo, Batangas noong Nobyembre 26, 2020 at ni Roque sa Bantayan, Island nang sumunod na araw.

“Natanggap na namin ang report ng PNP at ipinarereview na ito sa DILG Legal Service,” hayag ni Año.

Saad ng report ng PNP na walang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Agoncillo bago at pagkatapos ng aktibidad ni Pacquiao sa lungsod.

“Tiniyak ng PNP sa ulat nito na nasigurado ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng lungsod na nasunod ang minimum health protocols kagaya ng pagsuot ng face mask at face shield, pati na rin ang physical distancing habang nagbibigay ng relief goods si Pacquiao sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal at ng pandemya. Ang mga upuan din ay isinaayos alinsunod sa social distancing. Pinaunlakan din ng naturang LGU ang distribusyon ng face mask at face shield,” aniya.

Ayon sa PNP, panandaliang nagambala ang pagsunod sa physical distancing nang bumaba si Pacquiao sa entablado habang nagtatalumpati, ngunit agad itong bumalik sa entablado. “Nagdesisyon ang senador at ang lokal na pamahalaan na putulin ang programa at inabisuhang umuwi na lang muna ang mga tao,” dagdag niya.

Samantala, ayon sa imbestigasyon ng Police Regional Office 7, apat (4) lamang ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 na naitala sa Bantayan Island, Cebu nang dumating si Roque. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring kumpirmadong dagdag na kaso ang naitatala.

Ayon sa parehas na report, binigyang-diin ni Roque and pagsunod sa physical distancing habang kausap ang mga tao sa kick-off ceremony. “Sa kasamaang-palad, ang biglang pag-ulan ang nagtulak sa mga tao na maghanap ng masisilungan, kaya napilitang magtipon sa isang lugar ang mga nakikinig" aniya.

Ayon sa PNP, naiayos pa rin nina Roque at ang opisyal ng LGU ang sitwasyon at pinayuhan na lamang ang mga tao na umuwi at lisanin ang lugar.

“Inaaral namin ngayon ang ulat ng PNP. Tinitiyak namin sa publiko na ipagpapatuloy ng Kagawaran ang pagpapaalala sa mga opisyal ng pamahalaan na sumunod sa health protocol upang mapigilan ang lalong pagkalat ng sakit,” dagdag ni Año.

Mga inirerekomendang hakbang

Samantala, pinagpayuhan din ng Kalihim ang mga opisyal ng pamahalaan na magsilbing halimbawa sa pagsunod sa mga health protocols, pati na rin sa pagtugon sa mga direktiba ng PNP para 'di na maulit ang mga katulad na pangyayari.

“Ang PNP ang nagmungkahi na gamitin ang mga gymnasium at sports complex sa mga ganitong klaseng programa, pati na rin ang pagpayo sa mga taong 'di makakapasok sa napiliing lugar na umuwi na lamang. Isama na rin dito ang paglalagay ng physical barriers para mapanatili ang social distancing,” aniya.

Sinabi din ng PNP na dapat siguruhin ng mga organizer ang bilang ng mga dadalo sakaling magpapaunlak ang mga ito sa isang pisikal na pagtitipon, o 'di kaya’y maglagay ng pagpapaalala sa mga tao tungkol sa pagsunod sa lahat ng minimum health standards.