NEWS

DILG nagtakda ng deadline para sa liquidation at pagsumite ng encoded list ng mga benepisyaryo

May 28, 2020

Habang naghahanda ang pamahalaan para sa pagbigay ng 2nd tranche ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kailangang makapag-liquidate at isumite ng mga local government units (LGUs) ngayon (Mayo 28, 2020) ang encoded na listahan ng mga benepisyaryo para sa pangalawang tranche sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

"Tulad ng utos ni Kalihim Eduardo Año, kailangang tapusin na ng mga LGUs ngayon ang liquidation report nila ng first tranche at isubmit na nila ito pati na ang encoded list of beneficiaries sa DSWD. Saka pa lamang tayo makapagpapatuloy sa 2nd tranche," sabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya.

Batay sa mga ulat mula sa DSWD, 472 LGU lamang mula sa 1,634 LGU sa buong bansa ang nagkapagsumite ng kanilang mga ulat sa pag-liquidate sa ahensya nitong Mayo 26, 2020.

Sinabi ni Malaya na kailangang tanggapin din ng mga LGUs ang mga isinoli o ni-refund na SAP cash aid mula sa mga benepisyaryo na nakatanggap ng katulad na benepisyo mula sa ibang mga ahensya ng gobyerno tulad ng 4Ps, CAMP ng DOLE at SBWS ng SSS.

Sinabi niya na sa pagbabalik ng kanilang tulong sa SAP, isang pamilyang nangangailangan din ang mabibigyan ng tulong mula sa gobyerno. "Sa bawat halagang hindi naibabalik ay may isang pamilyang nangangailangan ang mapagkakaitan ng tulong." aniya.

"Ang lahat ng naibalik na cash subsidy ay maaaring ibigay sa mga "left-out" families sa kanilang nasasakupan bago ang liquidation, basta sila ay kwalipikadong makatanggap ng SAP ayon sa mga alituntunin ng DSWD," aniya. Para naman sa naibalik na cash aid mula sa mga benepisyaryo matapos ang liquidation ng mga LGUs, sinabi ni Malaya na ireremit ang mga ito sa DSWD field offices. "Dapat magbigay ng official receipt sa mga benepisyaryo bilang patunay ng kanilang refund," aniya.

Sinabi ni Malaya na inaasahan niya na ang payout ng 2nd tranche ng SAP cash aid ay magiging mas mabisa at sistematiko dahil natutunan na ng mga LGUs ang mga pagkukulang sa naunang payout.

"Kinikilala namin ang napakalaking paghihirap na dinaranas ng mga LGU sa pamamahagi sa unang tranche ng SAP. Nauunawaan namin ito dahil ito ang pinakamalaking financial cash aid para sa mga mahihirap na pamilya sa kasaysayan ng bansa," aniya.

“Pero ngayon, umaasa kami na mas magiging mabilis na ang proseso dahil pinagdaanan na nila ito at alam na nila ngayon kung paano mas magiging maayos at sistematiko ang pamamahagi ng SAP,” sabi niya.

Tiniyak niya sa DSWD at sa mga LGUs na handa ang Philippine National Police (PNP) na tumulong sa kanila sa pamamahagi ng 2nd tranche, lalo na sa mga geographically isolated at disadvantaged areas sa bansa. “Nakahanda naman po ang ating kapulisan para alalayan ang DSWD at mga LGUs sa pamimigay ng ayuda sa mga malalayo at ilang na lugar sa ating bansa para masiguro na matatanggap ito ng ating mga kababayan,” aniya.