NEWS

ADVISORY

DILG naglabas ng show cause orders laban sa 108 pamahalaang lokal na bigong maghanda, magpasa ng solid waste management plans

February 7, 2019

Matapos ang mahigpit na pagpapatupad ng pamahalaan ng batas pangkalikasan sa Manila Bay, Boracay at iba pang tourist spots sa bansa, naglabas ng Show Cause Orders ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa 108 local chief executives (LCEs) dahil sa kanilang kabiguang maghanda at magpasa ng 10-Year Solid Waste Management Plan na ipinag-uutos sa ilalim ng RA 9003.

"Ayaw na natin ng isa na namang kaso tulad ng Manila Bay. Nakalulungkot na ang mga pamahalaang lokal na ito ay nasanay na sa kapabayaan. Ang Solid Waste Management Plan ay itinadhana ng batas, pero sa loob nang maraming taon, binalewala nila ito. Kaya naman wala kaming ibang magagawa kundi magpalabas ng Show Cause Orders laban sa kanila," ani DILG Secretary Eduardo M. Año.

Ipinag-utos ng bagong pinagtibay na Kalihim ng DILG sa 108 na pamahalaang lokal na magbigay ng notaryadong paliwanag sa loob ng 10 araw mula sa pagkatanggap nila ng orders "kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaparusahan sa kabiguang pagpapasa ng 10-Year Solid Waste Management Plan."

"Kung tayo ay seryoso sa pangangalaga sa kalikasan, kailangang tiyakin natin na mahusay ang implementasyon ng mga batas na ito. Matagal nang nariyan ang mga batas ngunit kulang sa ngipin at implementasyon kaya patuloy tayong nagkakaroon ng problema tulad ng Boracay at ng Manila Bay. Ang batas ay batas at atin itong ipapatupad," ani Año.

Ayon kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya, hindi muna pangangalanan ang mga pamahalaang lokal na ito bilang pagtupad sa polisiya ng Kagawaran. "Bibigyan namin ang mga local chief executive ng karampatang due process. Ngunit sa panahon na matanggap na namin ang kanilang sagot at matimbang ang kanilang paliwanag, ilalabas na namin ang mga pangalan ng mga mapapatunayang nagkulang sa pagtupad ng kanilang tungkulin," aniya.

Sinabi din ni Malaya na ang Show Cause Orders ay napirmahan na ng Kalihim at ipinadaan na sa DILG Records Section para maipadala na sa mga pamahalaang lokal. "Inaasahang matatanggap nila ang orders sa susunod na linggo," dagdag niya.

Karamihan sa mga pamahalaang lokal na makatatanggap ng show cause orders ay mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na may kabuuang bilang na 78. Sa mga ito, 31 ay mula sa Lanao Del Sur; 18 sa Sulu; 11 sa Maguindanao; at siyam bawat isa sa Basilan at Tawi-Tawi.

Lima naman ang mula sa MIMAROPA, walo mula sa Region V; isa sa Region VI; at apat bawat isa sa Region II, CALABARZON, VII, at VIII ang mapapadalhan din ng show cause orders.

Ayon sa show cause orders na ipinalabas ng DILG, ang National Solid Waste Management Commission (NSWMC), sa pamamagitan ng DILG "ay tinatawagan ang mga pamahalaang lokal ukol sa kanilang pananagutan sa ilalim ng Republic Act No. 9003 na magpasa ng 10-Year Solid Waste Management Plan."

Batay sa Section 16 ng RA No. 9003 na kilala din bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, lahat ng lalawigan, lungsod o bayan sa pamamagitan ng kanilang Local Solid Waste Management Boards, ay inaasahang gumawa ng kanilang 10-Year Solid Waste Management Plans na naaayon sa National Solid Waste Management Framework na ipapasa sa NSWMC.

Ipinahayag din ng DILG Chief na upang maiwasan ang anumang kasong legal, ang Kagawaran ay inaasahan ang mga pamahalaang lokal na agarang ipasa at ipatupad ang kanilang 10-year Solid Waste Management Plan.

"Kung kailangan nating maging mahigpit at istrikto, gagawin natin para sa maayos na pagpapatupad ng batas at proteksyon ng kalikasan," ani Año.

Ang DILG kasama ang DENR ay magkasamang nagpapatupad ng kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa paglilinis, rehabilitasyon at pangangalaga ng Manila Bay, Boracay sa Aklan, El Nido at Coron sa Palawan, at Panglao sa Bohol.