NEWS

ADVISORY

DILG naglabas ng show cause order laban sa mga barangay lider na sangkot sa Sinulog street dance sa Cebu City bagama’t naka-lockdown

June 29, 2020

Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na naglabas siya ng show cause order laban sa mga opisyal ng barangay na may kinalaman sa pagtatanghal ng viral na Sinulog street dance at prusisyon sa isang COVID-19 hotspot sa Cebu City. Inatasan din ni Año ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na magsagawa ng imbestigasyon at magsampa ng reklamo laban sa mga pasimuno nito.

“Hindi natin mapapayagan ang paglabag sa mga quarantine protocols. Mananagot ang mga pasimuno nito. Hindi din naman tayo tumitigil sa pagpapaalala na napakalaki ng banta ng pagkalat ng COVID-19 sa mga malalaking pagtitipon subali’t nababalitaan pa rin natin ang ganitong mga gawain. Ang masama pa ay COVID-19 hotspot ang barangay na pinagdausan nito,” sabi ni Año.

“Aalamin namin ang puno’t dulo nito, Nagpadala na kami ng show cause order laban sa mga opisyal na sangkot sa tahasang paglabag sa ECQ na ipinapatupad sa Cebu City,” dagdag pa niya.

Ayon sa ulat na natanggap ng DILG, daan-daang katao ang nagsama-sama sa Sitio Alumnos sa Barangay Basak San Nicolas noong Sabado, Hunyo 27, upang makilahok sa Sinulog street dance at prusisyon na labag sa pagbabawal sa mga mass gathering.

Ang nakasasama ng loob, ayon kay Año, ay bagama’t COVID-19 hotspot ang barangay, itinuloy pa rin ng mga pasimuno ang street dance sa Barangay Basak San Nicolas at hidi ito napigil ng mga may kapangyarihan. Anumang paglabag sa mga health protocol ay naglalagay sa buhay ng mga tao sa alanganin.

“Kailangan nating ugaliin ang disiplina. Dapat ay naisip na nilang mag-ingat dahil ang Cebu City ang may pinakamaraming kaso. Walang problema sa amin ang pagpapakita ng debosyon, pero sa panahon ng krisis, kailangan mag-isip din naman tayo. Sa ganitong mga pagsuway mas maraming buhay tayong nilalagay sa kapahamakan. Disiplina Muna!,” aniya.

Isa ang Barangay Basak San Nicolas sa 12 barangay sa Cebu City na isinailalim sa mahigpit na lockdown dahil sa dami ng mga naitalang kaso ng COVID-19 base sa ulat ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Kasama rin sa listahan ng mga apektadong barangay ang Sambag Dos; Kamputhaw; Sambag Uno; Mabolo; Guadalupe; Lahug; Duljo; Tinago; Tisa; Ermita; and Tejero.

Ayon sa Department of Health, noong Hunyo 28, umabot na sa 4,562 ang bilang ng mga nagka-COVID-19 sa Cebu City. Mga 3,892 sa mga ito ay mga active cases, 592 ang gumaling, at 78 na ang mga namatay.

Hinihintay ni Año ang patunay ng mga sangkot na opisyal na hindi sila dapat sampahan ng reklamong kriminal at administratibo, habang isang hiwalay na imbestigasyon ng 21 katao ang isinasagawa ng PNP-CIDG.

Sa isang Facebook post, itinanggi ng mga opisyal ng barangay na may kinalaman sila sa malaking pagtitipon at sinabing hindi nila ito pinayagan. Hindi naman nabanggit kung bakit hindi nila ito pinigil bagama’t may kapangyarihan silang gawin ito.