NEWS

DILG naghain ng reklamo laban sa alkalde ng Olongapo dahil sa paglabag sa mga panuntunan ng IATF

June 24, 2020

Naghain ng reklamo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Martes sa tanggapan ng Ombudsman laban kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino, Jr. dahil sa pagpapalabas ng mga lokal na polisiya na lumabag sa mga panuntunan sa national enhanced community quarantine (ECQ) na pinapatupad ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases.

Sinabi ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya na sa utos ni Kalihim Eduardo M. Año, naghain ng reklamo ang DILG sa Ombudsman laban sa Mayor ng Olongapo City para sa paulit-ulit na paglabag sa mga patakaran at regulasyon na inisyu ng IATF at ipinapatupad ng DILG.

Sinabi niya na ang DILG ay nauna nang naglabas ng show cause order noong Abril laban kay Mayor Paulino para sa pag-oorganisa ng isang pagtitipon para sa pamamahagi ng Social Amelioration Cards ng first tranche ng Social Amelioration Program. “Sa pagkakataong iyon, pinayuhan namin siya at binalaan na sumunod sa mga alituntunin ng IATF, kung hindi mapipilitan kaming kasuhan siya.” aniya.

Sa kabila ng naunang payo, muling nilabag ni Paulino ang mga regulasyon ng IATF nang ilabas niya ang EO No. 54, series of 2020 noong Mayo 21 na nagpapahintulot sa backriding o pag-angkas sa kanyang LGU. Sa ilalim ng nasabing EO, mayroong special pass na inilabas ng Office of the City Mayor na nagpapahintulot sa backriding sa mga motorsiklo sa lungsod.

Kahit na sinundan ito ng pag-isyu ng EO No. 54-A noong Mayo 25 nang siya ay pinuna ng DILG, hindi niya binawi ang kanyang naunang EO ngunit sinuspinde lamang niya ang pagpapatupad nito hanggang dumating ang panahon na “sumasang-ayon ito sa mga alituntunin at regulasyon ng IATF-MEID, DOTr (Department of Transportation), LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board), DILG, o anumang ahensya ng pamahalaan.”

Sinabi ni Malaya na “Hindi pinawi ng pagpapalabas ng EO 54-A ang pananagutan ng alkalde sa paglabas ng EO 54 na nilabag ang pambansang polisiya na nagbabawal sa backriding. Katunayan, sa pagsuspinde ng EO 54 ‘hanggang sa umayon’ ito sa mga pambansang panuntunan ay nagpapatunay na hindi niya tuluyang tinalikuran ang naunang EO.”

“Ang EO na inilabas ng Mayor ng Olongapo noong Mayo ay malinaw na paglabag sa mga direktiba ng pambansang pamahalaan na naunang inilabas noong Marso, pati na rin sa Bayanihan to Heal as One Act na pinagtibay noong Marso 24,” aniya.

Ayon kay Malaya, ang EO ni Mayor Paulino ay lumabag sa DILG Memorandum Circular (MC) No. 2020-062 na inilabas noong Marso 21 na nag-aatas sa mga local government units (LGUs) na mahigpit na sumunod sa mga alituntunin ng pambansang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga lokal na programa na may kaugnayan sa State of Calamity. Sinabi niya na ang nasabing EO ay paglabag rin sa DILG MC No. 2020-083 na inilabas noong Mayo 18 na malinaw na nagpapahiwatig na: “While motorcycles are allowed, the ‘no backrider policy’ will be implemented.”

"Kami ay nalulungkot dahil bilang local chief executive ng Olongapo, siya dapat ang manguna sa pagsunod sa mga alituntunin ng pambansang pamahalaan. Ang Bayanihan Act ay ipinag-uutos na lahat ng LGU ay dapat kumilos sang-ayon sa titik at diwa ng lahat ng mga patakaran, regulasyon, at mga direktiba na inilabas ng pambansang pamahalaan, at nagpapatupad ng mga pamantayan sa community quarantine na naaayon sa itinakda ng pambansang pamahalaan upang matugunan ang COVID -19. Gayon pa man ay naglabas pa rin siya ng kanyang sariling mga patakaran na hindi naaayon sa pambansang mga patakaran," aniya.

Sinabi din ng tagapagsalita ng DILG na bago ipatupad ang Bayanihan Law, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 922 noong Marso 8, na nagdeklara ng isang State of Public Health Emergency sa buong Pilipinas at Proclamation 929 noong Marso 16 na nagdeklara ng State of Calamity sa buong bansa at inutusan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at mga LGUs na magbigay ng tulong at kooperasyon upang mabawasan at mawala ang banta ng COVID-19.

Sa kadahilanang ito, aniya, nagsampa ng reklamo ang DILG laban kay Mayor Paulino dahil sa gross neglect of duty, grave misconduct, paglabag sa Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan Act, paglabag sa Republic Act No. 11332, at open disobedience sa ilalim ng Article 231 ng Revised Penal Code.

“Nasa kamay na ng Ombudsman ang bagay na ito. Doon na po magpapaliwanag ang alkalde ng Olongapo,” aniya.

Pinaalalahanan din ni Malaya ang lahat ng local chief executives (LCEs) na maging consistent sa mga pambansang batas at alituntunin hindi lamang upang maiwasan ang mga legal consequences sa hinaharap, kundi upang matiyak na ang kanilang lokal na pamahalaan ay ganap na makikipagtulungan tungo sa isang “unified, cohesive at orderly” na pagtugon ng gobyerno upang masupil ang COVID-19, sang-ayon sa ipinag-uutos ng Bayanihan Law.