NEWS

ADVISORY

DILG naghain ng kaso sa Ombudsman laban sa 3 LGU official dahil sa paglabag ng quarantine protocols

July 23, 2020

Nagsampa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman laban sa tatlong (3) lokal na opisyal dahil sa pagsuway nito sa mga protocol ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, dalawang (2) kaso na ang nasa Ombudsman laban sa isang alkalde at konsehal sa Sto. Tomas, Pangasinan dahil sa pagdiriwang nito ng kaarawan na sumuway sa ipinagbabawal na mass gathering, at sa hindi pagsunod sa social distancing at itinakdang curfew.

Ayon pa kay Año, ang isang kaso laban sa alkalde ng Buluan, Maguindanao ay inihain na rin sa Ombudsman matapos nitong hindi naipagbawal ang mass gathering sa kanilang nasasakupan. Hindi rin nakatanggap ng kahit anong tugon ang Kagawaran sa show cause order na ipinalabas ng DILG. Dahil dito, napapawalang bisa na rin ang karapatan ng lokal na opisyal para sumagot sa nasabing show cause order.

“Binusisi po ng maigi ng Kagawaran ang mga natanggap na reklamo at ebidensya laban sa ilang local government officials. Base rin sa kanilang naging sagot sa show cause orders ng DILG ay napag-alamang mayroon silang naging kapabayaan,” ani Año nitong Martes.

Nakapagpadala din ang DILG ng letter of admonition at babala sa isang alkalde sa lungsod at dalawang alkalde ng munisipalidad.

Pinagsabihan din ng DILG ang isang alkalde sa Central Luzon matapos nitong pahintulutan ang mass gathering habang namamahagi ng forms ng social amelioration program (SAP) sa isang sektor ng transportasyon. Ang mga nakatanggap na indibidwal at nagpunta pa rin kinabuksan ngunit agad silang pinauwi upang makaiwas sa paglabag sa violation. Tiniyak ng City Government sa DILG na papairalin nito ang mga tamang hakbang para hindi na maulit ang nangyari.

Binigyan din ng babala ang isang alkalde sa Western Visayas matapos nitong tanggihang ma-quarantine ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) sinasabing na galing umano sa isang ‘infected country’ sa kanilang munisipalidad kahit na meron na itong sapat na dokumento. Pinanindigan ng DILG na kulang ang mga hakbang ng Municipal Government upang makasunod sa direktiba ng Pangulo na tanggapin ang mga nagbabalik na OFW basta sumailalim na ito sa local health protocols.

“Ngayong panahon ng pandemya lalong higit dapat bantayan ng DILG ang mga pamahalaang lokal sa maayos na pangagasiwa at pagpapatupad ng nasyunal na polisiya at tiyaking natutugunan ang mga daing ng mamamayan laban sa kanilang mga lokal na lider,” aniya.

Binigyan din ng letter of admonition ang isang alkalde sa Ilocos Region matapos nitong magpakita ng masamang asal laban sa ilang pulis na nakatalaga noon sa isang checkpoint at nakainom pa ito diumano noong naganap ang insidente.

Meron pang nakabinbin na kaso ang DILG na nasa validation process pa laban sa isang alkalde ng Cavite at Batangas dahil sa pagpapahintulot ng mass gathering. Ang una ay dahil sa pagdaos ng isang flag-raising ceremony habang nasa ilalim pa ng ECQ. Ang isa naman ay ang hindi pagsagawa ng tamang social distancing habang namamahagi ng relief goods sa isang barangay hall.

Samantala, sinabi ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya na ang tugon at aksyon ng mga gobernador sa Abra, Antique, Bukidnon, at Camiguin na nakapaloob sa kanilang sagot sa Show Cause Order ay makatuwiran para DILG. “Hininto na ng DILG ang imbestigasyon dahil naaayon naman ang kanilang mga pagpapaliwanag sa na-isyung show cause order,” aniya ni Malaya.

Halimbawa na lang ang gobernador ng Abra na unang pinagbawalan ang pagdala ng kanilang mga produkto sa labas ng probinsiya ngunit nang lumaon ay pinahintulutan na muli nang mapa-renew nito ang kanyang Certificate of Registration Meat Transport Vehicle.

Tinanggap din ang paliwanag ng gobernador ng Antique matapos nitong pagbawalan noong umpisa ang pagpasok ng mga hardware at construction materials sa kanyang probinsiya. Nang kalaunan, ito ay binawi nang maglabas ng isang executive order na walang probisyon tungkol sa pagbabawal ng pagpasok ng construction materials sa lalawigan. Samatala, ang paliwanag ng gobernador ng Camiguin ay tinanggap din bilang makatwiran.

“Ipagpapatuloy pa rin ng DILG ang pag-aksyon sa mga hinaing ng publiko at haharapin namin ito nang walang reklamo, takot o pagpanig. Sa pag-isyu ng Show Cause Order, tinitiyak namin na nasusunod ang due process at nabibigyan ng pagkakataon ang local chief executive [LCE] bago kami magsagawa ng pagpapasiya,” dagdag pa niya.