NEWS

DILG nagbabala sa mga local executives sa mga sindikatong nagpapakilalang mataas na opisyal ng DILG

October 28, 2020

Binalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga local government executives sa panibagong sindikato ng mga extortionist at con-men na nagpapakilalang matataas na opisyal ng DILG na sinasabing aayusin nila ang emergency relief aid nito para sa COVID-19.

Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na marami silang natatanggap na mga report mula sa DILG regional at field offices at mga LGUs na nakatanggap sila ng texts at tawag mula sa mga con-artists at impostor na nagpapanggap na senior DILG officials, siya o kanyang mga staff, at nag-aalok ng COVID-19 assistance at nanghihingi ng kapalit na pera.

"Pinapayuhan po natin ang ating mga LGUs at ang publiko na mag-ingat sa mga walanghiyang mandurugas na sindikato na nagpapakilalang DILG at nangingikil ng pera kapalit ng umano'y ayuda," sinabi ni Malaya.

"Kahit po ang inyong lingkod ay ilang beses ng ginamit ang pangalan para makapanloko. Kailanman ay hindi tayo nanghihingi ng pera sa kahit sinong Mayor, Vice-Mayor, o kapitan kapalit ng serbisyo publiko na binibigay ng DILG," dagdag nito.

Sa isang report sa DILG ni Mayor Danilo M. Diamante ng Tuburan, Cebu, sinabi nito na siya ay nakatanggap ng tawag mula sa isang nagpakilalalang DILG Undersecretary. Ang caller ay humihingi ng pera mula kay mayor para diumano sa shipping ng 1,500 kaban ng bigas na ibibigay bilang assistance sa kanyang bayan. Sinabihan din daw si Mayor Diamante na idiin ang isang SB member na sangkot sa iligal na droga na pinabulaanan naman ng huli.

Nakatanggap din si Malaya ng report mula kay DILG CALABARZON Regional Director Ariel O. Iglesia, Mayor Rachel Ubana ng Lopez, Quezon, Mayor Nacional V. Mercado ng Maasin City, Southern Leyte at Mayor Melina Requinto ng Estancia, Iloilo.

"Halos pare-pareho ang istilo ng sindikatong ito. Tatawag at magpakilalang DILG, magbibigay kunwari ng tulong na bigas o iba pang supporta ngayong COVID-19 at sa huli ay manghihingi ng pera para sa transportsyon at iba pang gastusin, " paliwanag ni Malaya.

Sinabi nito na inalerto na ang Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa modus operandi at doble sipag ito upang ang mga scammers ay maipakulong. Nauna dito ang DILG ay binalaan na ang mga LGUs at publiko ng katulad na extortion incidents noong nakaraang buwan.

"Kung sinuman sa inyo ang makatanggap ng tawag o texts sa mga taong nagpakilalang ako o sinuman sa DILG top officials, magsumbong at makipag-ugnayan po kayo agad sa pinakamalapit na police station para mahuli at maparusahan ang mga impostor na ito," sabi nito.

Niliwanag ni Malaya na niruruta ng DILG ang mga official communication sa mga DILG regional at feild offices at sa mga LGUs sa pamamagitan ng official channels at hindi sa text o tawag.

Pinayuhan nito ang mga LGUs na maging maingat at i-verify muna kapag makikipag-usap sa mga taong nagsasabing konektado sa DILG.

"Sa mga nasa malalayong munisipyo at kabarangayan, magtungo po kayo kaagad sa pinakamalapit na police station o DILG field office para makasiguro at hindi kayo malinlang ng mga scammer na ito," sabi nito.