NEWS

ADVISORY

DILG muling inilunsad ang CORE campaign

October 9, 2019

Muling inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pinakabago nitong kampanya na nagtutulak sa pagbabago sa Konstitusyon na naaayon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na tugunan ang mga suliraning panlipunan tulad ng korapsyon, kawalan ng trabaho, at regional income inequality.

Ipinahayag ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na naisumite na nila sa House Committee on Constitutional Amendments noong nakaraang linggo ang mga mungkahing pagbabago sa Konstitusyon kasama ang "equality provisions" upang masolusyunan ang lumalawak na pagitan ng mayayaman sa mahihirap na rehiyon sa bansa.

Sinabi niya na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Federalism and Constitutional Reform (IATF) na pinamumunuan ni DILG Secretary Eduardo M. Año ang “equality provisions” na ipapasa na sa Kongreso at Senado sa 3rd Regular Plenary Meeting nito na gaganapin sa unang bahagi ng buwan.

"Pansamantalang pinapayagan ng IATF, na itinatag ng Pangulo sa ilalim ng MC 52, ang 'equality provisions' na itinuturing na 'surgical amendments' sa Konstitusyon. Ang draft federal constitution ay kasalukuyan pa ring tinatalakay ng IATF kaya habang wala pang napagkakasunduan ukol dito, iminumungkahi ng IATF ang mga pagbabagong ito sa Kongreso na hiniling ni Chairman Rufus Rodriguez," aniya.

Ipinaliwanag niya na itinutulak pa din ng DILG ang pederalismo ngunit sa ngayon ay kailangan munang humanap ng "common ground" sa ibang miyembrong ahensya bago ipasa ng IATF ang mga rekomendasyon nito sa Pangulo at sa Kongreso.

Sinabi ni Malaya na ilulunsad nila sa buwang ito ang bagong pambansang kampanyang pang-adbokasiya para sa "equality provision" sa ilalim ng banner na CORE (Constitutional Reform).

Ilan sa mga pagbabagong iminumungkahi ng IATF kaugnay ng CORE ay maging bahagi ng Konstitusyon ang Mandanas decision ng Korte Suprema kung saan kinatigan ng kataas-taasang hukuman na ang pinagmumulan ng Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga pamahalaang lokal ay dapat pambansang buwis hindi lamang ang mga nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue na lalong magpapalaki ng pondong maaaring ibigay sa mga rehiyon ng bansa.

Maliban sa internal revenue taxes, napagpasyahan din ng Korte Suprema na isama sa IRA ng mga pamahalaang lokal ang taripa at duties na nakokolekta ng Bureau of Customs, 50 porsyento ng value-added tax, 30 porsyento ng pambansang buwis na nakokolekta sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, 60 porsyento ng pambansang buwis na nakokolekta mula sa pag-unlad ng pambansang yaman, 85 porsyento ng excise tax mula sa mga produktong tabako at bahagi ng franchise tax sa ilalim ng Republic Acts 6631 at 6632 (Horse Racing Laws), bukod sa iba pa.

"Bilang karagdagan sa pagtitiyak na malaking bahagi ng IRA ang maitatadhana sa Konstitusyon, ang IATF ay nagmungkahi din ng bagong formula sa pamamahagi ng IRA sa mga pamahalaang lokal. Kasama sa bagong formula na ito ang mga pangangailangan ng mga pamahalang lokal, antas ng koleksyon ng own-revenue, at kapasidad na pang-organisasyon ng pamahalaang lokal," aniya.

Iminumungkahi din ng IATF na baguhin ang Regional Development Council (RDC) na isang recommendatory body sa Regional Development Authority (RDA) na may kapangyarihan at pondo upang magpatupad ng proyekto at programa sa mga rehiyon. "Kapag ang RDA ay naitatag na, maaari na itong magpatupad ng mga programa at proyekto sa mga rehiyon ng hindi na nangangailangan ng pahintulot mula sa Maynila," paliwanag niya.

Sa pagdinig sa Kongreso, ipinahayag din ng IATF ang suporta nito sa mungkahing kanselahin ang 'restrictive economic provisions' ng 1987 Konstitusyon at buksan ang ekonomiya para sa foreign investments upang mas maging masigla ang ekonomiya at makalikha ng mga pagkakataon para sa trabaho sa bansa.

"Sumusuporta kami sa paghinto ng economic restriction sa Konstitusyon at pagpahintulot sa Kongreso na mag-regulate sa mga industriyang ito sapagkat ito ay magbibigay ng mas maraming oportunidad ng mas maunlad na ekonomiya para sa mga rehiyon kung saan mas maraming mga mahihirap nating kababayan ang naninirahan," ani Malaya.

Aniya, ang bagong CORE campaign ng DILG ay naaayon sa deklarasyon ng Pangulo na ipagpatuloy ng Kongreso ang pag-amyenda sa mahahalagang probisyon tungo sa repormang pang-ekonomiya at pulitikal na tutugon sa mga legal at pulitikal na balakid upang wakasan na ang malawakang korapsyon sa pamahalaan at ang malaking agwat sa mga ekonomiya ng mga rehiyon.

"Naniniwala kami na kinikilala ng Kongreso ang masidhing pangangailangan para sa mga repormang ito sa ating Konstitusyon upang maisakatuparan natin ang pagkakapantay-pantay sa ekonomiya at pulitika na ninanais ng mga Pilipino," pagbibigay-diin ng pinuno ng DILG.

Binanggit ni Malaya na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang kampanya para sa pagbabago ng konstitusyon bilang pangunahing bahagi ng repormang pang-ekonomiya at pulitikal ng Pangulo bilang tugon sa nagbabagong pangangailangan ng mga tao at upang lalong patatagin ang ekonomiya ng Pilipinas at pambansang kaligtasan. "Lagi nating tandaan na ang Konstitusyon ay dapat na maging buhay ng konstitusyon na tumutugon sa nagbabagong panahon," aniya.

Sinabi din niya na mag-iikot ang DILG sa bansa simula sa buwang ito upang ipaliwanag at hikayatin ang publiko na suportahan ang iminungkahing CORE amendments.