NEWS

DILG makikipagpulong sa Facebook execs tungkol sa tinanggal na mga accounts

October 23, 2020

Makikipagpulong ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang matatas na opisyal ng Facebook sa susunod na linggo upang mapag-usapan kung bakit nito tinanggal ang ilang PH- based FB pages at accounts nang walang konsultasyon at babala.

Inihayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año sa webinar meeting ng mga information officers at attached agencies at LGUs na "Ang totoong impormasyon ay magpapalakas sa mga tao upang makibahagi sa nation-building katulad ng paglaban ng gobyerno upang mapigilan ang COVID-19," sabi nito.

Nauna rito inakusahan ng Malacanang ang social media giant ng censorship habang nag-file naman ng Senate Resolution si Senator Ronald "Bato" De La Rosa para imbestigahan ang pagtanggal ng mga social media accounts sa ngalan ng pangangalaga sa kalayaan sa pamamahayag.

Kinumpirma ng Facebook ang pagtanggal ng PH-based accounts dahil nagpapakita umano ang mga ito ng "coordinated inauthentic behavior".

Sinabi ni Año na tatalakayin sa pagpupulong kung paano ipinapatupad ng Facebook ang content-based restrictions. Inaasahan niya na ang dalawang panig ay makahahanap ng solusyon kung paano makakatulong ang social media sa gobyerno para labanam ang fake news at disinformation.

Sabi pa nito na "sinamantala ng mga kriminal at extremist groups ay nag-ang pandemya upang isabotahe ang paghahatid ng pamahalaan ng serbisyo sa mga mamamayan". Ayon kay Año, ginagamit ng mga grupong ito ang social media upang magpakalat ng fake news at itulak ang kanilang malicious agenda.

Sinabihan din ni Año ang 250 webinar participants na maging siya ay naging biktima rin ng fake news. Ang resulta, aniya, ay nakatanggap siya ng labis na pangungutya mula sa publiko. "Sa panahon ngayon, marami ang namimisquote dahil may mga gumagawa ng fake news," dagdag nito.

Ipinahayag din nito na sinampahan na ng kaso ang dalawang gumawa ng fake news tungkol sa kanya na kumalat sa Facebook kumakailan lamang.

Binanggit nito na kailangan ng well-defined communication strategy. Sinabi nitong ito ay kritikal dahil ang impormasyon ay may kapasidad na palakasin ang morale ng institusyon habang ang fake news ay maaaring ibagsak ang iyong kredibilidad.

Ang webinar workshop, "The Writer's Studio: Communicating DILG Messages in the New Normal" ay naglalayong maging epektibo ang mga participants sa paglilingkod sa publiko at komunidad.