NEWS

DILG magkakaroon ng virtual dialogue sa publiko tungkol sa Covid-19 response at issues

October 8, 2020

Dahil sa positive survey rating na nakamit kamakailan ng administrasyon, hinakayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang publiko na lumahok upang mapakingan sa serye ng dayalogo simula ngayong araw tungkol sa mga issues, programa at plano ng gobyerno bilang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Año, sa pamamagitan ng Dagyaw 2020: Open Government Virtual Town hall Meetings, binibigyan ng pagkakataon ang publiko na makilahok at sumali sa mga bukas na dayalogo kasama ang mga matataas na opisyal ng gobyerno kung saan malaya nilang maipababatid ang kanilang mga tanong, reklamo, at panukala tungkol sa Covid-19 para sa mabuting pamamahala.

"Mula Oktubre hanggang Disyembre sa Dagyaw 2020, muli nating bubuksan ang pinto ng pamahalaan para sa ating mga kababayan para sa isang open dialogue para talakayin at ibahagi sa kanila ang mga kasalukuyang hakbang at plano ng pamahalaan tungkol sa Covid-19," sabi ni Año.

“Sana po ay makasama natin ang ating mga kababayan sa Dagyaw sapagkat isa po sa mga adhikain nito ay upang lumikha ng mga mamamayan na maaring makapag-contribute sa nation-building,” dagdag nito.

Ang Dagyaw ay serye ng dayalogo na naglalayong maipaliwanag ang mga programa ng gobyerno kung saan ang mga apektadong lokal na mga komunidad at mga mamamayan ay bibigyan ng pagkakataon upang maipaabot ang kanilang hinaing sa mga senior government officials. Ang unang serye ng Dagyaw dialogues ay ginanap noong nakaraang taon.

“Alam ng gobyerno na ang pamamahala ay magkabilaang kalye. Kailangan natin ang tulong ng iba’t ibang sektor at higit sa lahat, ng mga mamamayan. Sa pamamagitan ng Dagyaw, binibigyan natin ng tamang lugar ang kanilang mga damdamin at mungkahing nais iparating sa gobyerno. Ito ay magsisilbing gabay at basehan ng gobyerno sa paggawa ng mahahalagang desisyon at mga polisiya tungo sa mas pinahusay na pamamahala,” sabi nito.

Ang mga miyembro ng civil society organizations (CSOs) ay makikilahok din sa Dagyaw 2020 upang ibahagi ang kanilang kaalaman, rekomendasyon, gayundin ang kanilang programang ipini-presenta.

Dagyaw 2020

Ayon kay Año, ang Dagyaw 2020 ay nakatakdang magsimula ngayong Oktubre 8, 2020, na may tema na “Usapang Edukasyon: Is PH Ready for Distance/Blended Learning?” kung saan makikilahok ang Department of Education (DepEd), United Nations Children’s Education Fund (UNICEF), at E-NET Philippines.

“Bagama’t patuloy ang banta ng COVID-19 sa kalusugan at kaligtasan ng lahat, hindi ito hadlang para magsagawa ng makabuluhang dayalogo. Gamit ang internet at iba pang communication channels ng gobyerno, pinalawak ang maaabot ng mga importanteng pag-uusap na hatid ng bawat Dagyaw episode,” sabi ni Año.

“Mapapanood ang live stream nito sa Facebook pages ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kabilang na ang sa Philippine Open Government Partnership, DILG, DBM, at PCOO, 2:00-4:30 PM sa mga nasabing araw,” dagdag nito.

Ang dayalogo ay magpapatuloy sa Oktubre 15, 2020 sa paksang, “Usapang Trabaho” kasama ang Department of Labor and Employment, International Labor Organization, at NAGKAISA Labor Coalition kasunod ang “Usapang OFW: Kinabukasan at Kalagayan ng OFWs sa Panahon ng Pandemya” sa October 22, 2020, kasama ang Department of Foreign Affairs, Blas F. Ople Policy Center and Training Institute, at ang Center for Migrant Advocacy.

Samantala sa October 29, 2020 namam ay ang “Usapang Agri: Ahon Lahat Para sa Pagkaing Sapat” kasama ang Department of Agriculture (DA), World Bank, at Samahan ng Nagkakaisang Samahan ng mga Magsasaka (PAKISAMA).

Ang publiko ay inaanyayahan makilahok sa Dagyaw 2020 sa pamamagitan ng official Facebook page ng Philippine Open Government Partnership. Para sa mga detalye at announcements, maaaring bisitahin ang social media accounts ng DILG, Department of Budget and Management (DBM), at Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ang Dagyaw 2020 ay pinasimulan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng DILG, DBM, at PCOO sa pakikipagtulungan ng Caucus of Development Network NGOs at Right to Know Right Now! Coalition.