NEWS

DILG kinondena ang CPP-NPA sa pagtatapos nila ng unilateral ceasefire; inatasan ang PNP na maging alerto

May 2, 2020

Kinondena ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Communist Party of the Philippines - New People's Army - National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa pagtatapos nito ng ceasefire laban sa mga tropa ng gobyerno at inatasan ang Philippine National Police (PNP) sa buong bansa na maging full alert habang nagsasagawa ng humanitarian work at ipinapatupad ang community quarantine sa buong kapuluan.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang gawaing ito ng grupo ng teroristang komunista ay parang huling pako sa kabaong at isang pagpapakita ng kanilang pagiging ipokrito at pagiging kalaban ng kapayapaan sa bansa maging sa buong mundo sa gitna ng nakakamatay na coronavirus disease 2019 ( Covid-19) pandemic.

"Hindi na talaga maitatago ng mga teroristang komunista na hindi ang kapakanan ng taumbayan ang hangad nila kung hindi ang pagpatay sa mga kapwa-Pilipino, ang patuloy na pananabotahe sa kapayapaan at sa pag-unlad ng ating bansa," sabi pa nito.

"Mantakin ninyong sa bigat ng kinakaharap ng bansa dahil sa Covid-19 ay mas pinili pa ng mga komunista na isabay ang kanilang walang puwang na panggugulo't pakikipagbakbakan sa mga sundalo't pulis. Ang puwersa ng pamahalaan ay dapat 100 porsyentong nakatutok sa humanitarian efforts ngayon nguni't kasabay nito ay dapat din nating harapin ang mga bayolenteng gawain nitong mga teroristang komunista,” dagdag pa niya.

Ayon kay Secretary Año, ang paghahanap ng lunas laban sa mga teroristang komunista ay mas mahirap kumpara sa paghahanap ng gamot sa Covid-19.

"Habang ang bansa at buong mundo ay nahaharap sa pagtatapos ng lockdown, ang mga teroristang komunista ay isa sa mga dapat maiwanan sa panahon ng pre-Covid-19. Wala talaga silang mabuting maiaambag sa bayan. Sila ay mga anti-peace at counterproductive sa nation-building at nanggugulo sa mga kanayunan, maging sa urban o rural," sabi pa niya.

Habang ang CTGs ay pinalakas ang kanilang puwersa at inatasan ang lahat ng puwersa ng NPA "na pumosisyon mula sa aktibong depensa papunta sa opensibong gawain," inatasan ni Año ang lahat ng local goverment units (LGUs) na maging mapagmatyag at siguraduhin ang kalagayan at proteksyon ng mga mamamayan.

"Magdadadakdak na naman ang mga CTGs at gagamitin ang isyu sa pagharap at pamamahala sa Covid-19 crisis. Sa ating mga LGUs, dapat ay one step ahead tayo. Ipaalam at ipaabot ninyo sa inyong mga constituents ang mga ginagawa at tulong ng lokal at nasyunal na pamahalaan. Nang sa gayun ay hindi masulsulan ng mga komunista ang mga tao. Maging transparent, accountable at mabilis sa pagtulong sa mga nangangailangang tao sa mga lugar na nasa ilalim ng general o enhanced community quarantine," ayon pa kay Año.

Sinabi pa nito na isang panloloko ang pahayag ng CPP-NPA-NDF na sila ay tumutulong sa pamamahagi ng mga relief goods para sa masa.

Aniya, ang CTGs mismo ang siyang sagabal sa pagdadala ng mga relief goods, at hindi rin sila naging totoo sa unilateral ceasefire kung saan 26 na puwersa ng gobyerno ang namatay sa pagitan ng March 15 at April 23 habang nasa Covid-19 crisis.

Bilang tugon sa sinasabi ng CPP-NPA-NDF, sinabi ni Ano, "Hindi ang lockdown ang magpapabagsak sa bansa kundi kayong mga teroristang komunista na siyang salot sa kaayusan at kapayapaan at hadlang sa mga pagsisikap ng gobyerno na umunlad kasama ang mga civil society.”

CSBP

Samantala, habang ang bansa ay ipinagdiriwang ang Labor Day. ayon kay DILG spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya, ang Kagawaran ang mangunguna sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 110 ang Comprehensive Social Benefits Program (CSBP).

Kasama sa CSBP ang mga puwersa ng military at pulis na nasugatan o namatay sa pakikipagbakbakan o operasyon na inatasan ng estado at ang kanilang mga qualified beneficiaries. Gayundin ang mga unipormadong tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP) Philippine Coast Guard (PCG) at mga miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na namatay habang tumutupad sa kanilang tungkulin sa mga lehitimong military o police operations at kanilang mga qualified beneficiaries.

"Ang pag-isyu ng naturang EO 110 tungkol CSBP ay napapanahon dahil sa ang mga uniformed personnel ay ilan sa mga frontliners laban sa Covid-19. Ang paglabas ng EO tungkol sa CSBP na pinasimulan ng Pangulo noong 2017 ay pagtugon sa pagpapatuloy ng programa bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng uniformed forces sa panahon ng mga sakuna at banta, maging ito ay dulot ng tao o ng kalikasan," sabi ni Malaya.

“Ang DILG kasama ang Department of National Defense (DND), at lahat ng implementing agencies, ay lalo pang paiigtingin ang mga rules and regulations upang ang tugon sa iba't-ibang benepisyo at pangangailangan ng CSBP ay mabilis na maibibigay sa mga beneficiaries," sabi pa nito.

Ang DILG at DND ang siyang nangungunang ahensiya ng CSBP na makikipag-ugnayan at makikipagtulungan sa iba’t ibang mga sangay ng pamahalaan.