NEWS

ADVISORY

DILG kinokondena ang brutal na pagpatay sa 4 na pulis sa Negros Oriental, tiniyak ang suporta para sa mga naulilang pamilya

July 22, 2019

Mariing kinokondena ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang brutal na pagpaslang sa apat na pulis sa Ayungin, Negros Oriental noong nakaraang Huwebes ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at inilarawan ang insidente bilang "isang krimen na tanging mga halang ang kaluluwa lamang ang makagagawa."

"Nag-asta silang Diyos habang ang apat na pulis ang nanghihingi ng kanilang awa. Kinokondena namin ang pagbalewala nila sa buhay. Grabe ang ginawa nila sa apat na pulis. Hindi kami titigil hanggang ang mga mamamatay-tao at kalaban ng kapayapaan na ito ay mahuhuli," ani Año na kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbisita sa lamay ng mga biktima.

Ang mga napaslang na pulis, sina Cpl. Relebert Beronio, Pat. Raffy Callo, Pat. Roel Cabellon and Pat. Marquino de Leon, ay mga intelligence personnel mula sa 704th Mobile Force Company Regional Mobile Force Battalion ng Philippine National Police (PNP) sa Central Visayas. Sila ay ginawaran ng medalya ng Order of Lapu-Lapu Rank of Kalasag kasabay ng pagbisita ng Pangulo.

Ipinahayag ng Kalihim ng DILG na ipinag-utos na niya sa PNP na makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paggalugad sa mga katabing lalawigan upang matugis ang mga miyembro ng NPA na nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

"Bilang dating unipormadong opisyal, nagagalit ako sa pagpaslang na ito ng NPA na isang malaking paglapastangan sa tsapa at dignidad ng bawat unipormadong babae at lalaking nasa serbisyo. Titiyakin naming makakamit ng mga pamilya ng mga biktima ang hustisya," aniya.

Ayon kay PNP PRO 7 Director PBGen Debold Sinas, ang apat na mga pulis ay "kinaladkad, itinali, hinambalos ng baril at pinagtulungan ng 30-40 lalake kung saan ang isa sa mga pulis ay nabali ang tadyang bago sila barilin nang nakaluhod, na higit pa sa isang ambush at parang isang summary execution.'

Ang mga biktima ay nakatakda sanang makipagkita sa kanilang informant na siyang nagset-up sa kanila para ma-ambush ng NPA. Sinabi din ni Año na ang pagpatay sa apat ng pulis ay isang hayagang pag-atake hindi lamang sa PNP kundi maging sa adbokasiya ng pamahalaan tungo sa pagkitil sa deka-dekadang communist insurgency sa bansa.

Ngunit binigyang-diin din niya na hindi ititigil at hindi mawawalan ng loob ang pamahalaan sa pagtahak sa landas ng kapayapaan bunga ng nasabing karahasan, lalo ngayong buo ang suportang nanggagaling mula kay Pangulong Duterte at sa lumalaking bilang ng mga pamahalaang lokal na nakikiisa sa laban kontra terorismo sa pamamagitan ng pagdedeklara sa NPA bilang persona non grata.

"Ang aming galit bunga ng karumal-dumal na insidenteng ito ay siyang aming magiging sandata upang makamit ang kapayapaan. Ipagpapatuloy namin ang aming pangangarap at pagsisikap na makuha ang pangmatagalang kapayapaan," aniya.

Tulong para sa mga naulila

Tiniyak din ni DILG Secretary Año sa ang mga naulilang pamilya ng apat ng pulis na kinikilala ng pamahalaan ang sakripisyong inialay ng kanilang mga mahal sa buhay para sa bayan.

Ayon sa kanya, ang mga kapamilya ng mga napaslang na pulis ay magiging mga benepisyaryo ng Comprehensive Social Benefits Program (CSBP) para sa mga killed in action, wounded in action (KIA-WIA), at killed in police operations, wounded in police operations (KIPO-WIPO) na pulis at sundalo ng PNP at AFP.

Kasama sa CSBP ang apat na antas ng tulong. Ang Special Finance Assistance (SFA) ay ibibigay ng dalawang tranches sa mga benepisyaryo ng KIA/KIPO na nagkakahalaga ng P500,000; sa WIA/WIPO na may TPPD o total permanent physical disability naman ay P250,000; at P100,000 naman para sa WIA/WIPO na may major at minor na injury.

Mayroong din Shelter Assistance para sa mga pamilya ng KIA/KIPO at WIA/WIPO na TPPD na nagkakahalaga ng P450,000; Health Care Assistance mula sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na nagkakahalaga ng P2,400 bawat taon, at pangmintinang gamot mula sa Department of Health para sa mga qualified na benepisyaryo ng mga KIA/KIPO; at taunang Educational Assistance para sa dalawang anak o ibang benepisyaryo ng KIA/KIPO at WIA/WIPO na may TPPD.

"Walang ano mang halaga ng pera o tulong ang makasasapat sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay. Nawalan sila ng asawa, ama, kapatid na kailanman ay hindi na maibabalik pero umaasa kami na sa pamamagitan ng CSBP, kahit papaano ay makatutulong ang pamahalaan para makabangon silang muli," Año says.

Ang CSBP ay pinangangasiwaan ng DILG at Department of National Defense (DND) sa pakikipagtulungan sa Office of the President (OP) at iba pang ahensya ng pamahalaan.