NEWS

ADVISORY

DILG kinilala ang kapulisan, militar sa mapayapang plebisito para sa BOL, pinapurihan din ang 72 pulis na nagsilbing poll inspectors

January 23, 2019

Pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) at puwersang militar bunga nang matagumpay nilang pagpapanatili nang mapayapang unang plebisito para sa pagsasabatas ng Bangsamoro Organic Law (BOL) noong Lunes.

"Sa kabila ng iilang isolated na insidente, ang unang plebisito para sa BOL noong Lunes ay naging mapayapa. Pagbati sa ating kapulisan at militar sa pagtiyak na ligtas ang mga botanteng Pilipino habang kanilang isinasagawa ang kanilang karapatang bumoto," ani DILG Secretary Eduardo M. Año.

May kabuuang bilang na 6,698 na mga pulis ang ipinakalat sa unang pagboto para sa BOL na sumaklaw sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Isabela City, at Cotabato City.

Pinasalamatan at pinuri din ni Secretary Año ang 72 na mga pulis na nagsilbing Board of Election Inspectors sa plebisito matapos hindi makapunta ang mga itinalagang guro bunga ng isyu sa kanilang seguridad.

"Nais kong kilalalin at pasalamatan ang 72 magigiting na babae at lalakeng pulis sa pagganap nila nang higit sa inaasahan sa kanilang tungkulin. Kung wala ang tulong ng mga pulis na ito, mahigit 8,000 botante sa loob ng 24 presinto ang hindi nakaboto," ani Año.

Ilang mga isolated na kaso ang naiulat noong Lunes tulad ng kaguluhan matapos madiskubre ang isang flying voter, at isang insidente kung saan hinanap ng isang security ang identification card ng isang botante bago pumasok sa presinto.

"Sa kabuuan, isa pa ring mapayapang plebisito na may mataas na bilang ng mga botante ang naganap kahapon. Samantala, nakahigh alert pa din ang lokal na pulisya para sa canvassing na mga boto," aniya.

Ayon sa DILG Chief, inaasahan niyang magpapakita ang PNP ng parehong antas ng pagka-alerto sa susunod na botohan.

"Hindi tayo dapat na magpabaya sapagkat may mga kaso pa din nang pananakot sa mga guro. Kaya hinihikayat ko ang PNP na ipagpatuloy ang kanilang pagmamatyag at pagbabantay at ituloy ang paghihigpit sa seguridad hanggang sa ikalawang plebisito," aniya.

Ang ikalawang plebisito para sa BOL ay magaganap sa lalawigan ng Lanao del Norte at North Cotabato sa Pebrero 6, 2019.

Kung ang karamiran sa 2.1 milyon na nakarehistrong botante ng BOL ay bumoto pabor dito sa dalawang plebesito, ganap na itong maisasabatas na siyang magbubunsod para mapalitan ang ARMM ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.