NEWS

DILG itutuloy ang mga kaso laban sa mga nagwaging kandidato na kasama sa Narcolist

May 24, 2019

Bagamat nirerespeto ng pamahalaan ang kagustuhan ng mga botante, itutuloy pa rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga kasong administratibo an isinampa laban sa mga narco-politician na nagwagi sa nakaraang halalan noong Mayo 13.

"Kahit na pinalad silang manalo, tuloy pa rin ang administrative cases laban sa kanila. Hindi pa rin sila makakalusot kung sila ay mapapatunayang sangkot talaga sa iligal na droga,” ani DILG Secretary Eduardo M. Año.

Ipinahayag ni Año na bagama't ang ilan sa mga narco politician ay nagwagi sa halalan, tagumpay na din para sa pamahalaan at sa bansa na ang iba sa kanila ay nabigo at hindi pinili ng mga botante.

"Ang hangarin ng Pangulong Duterte sa paglalabas ng mga pangalan ay upang ipaalam sa publiko ang mga lokal na opisyal na konektado sa drug trade. Ang katotohanang ang ilan sa kanila ay natalo ay isa ng tagumpay para sa atin sapagkat kung hindi natin inilabas ang mga pangalan, karamihan, kung hindi lahat, ay malamang na nanalo sa halalan," aniya.

Noong Marso, nagsampa ang DILG ng kasong administratibo charges tulad ng grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, conduct unbecoming of a public officer, at gross neglect of duty sa Ombudsman laban sa 46 narco-politicians na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Sa mga ito, 37 ang tumakbo sa nakaraang halalan at 26 sa kanila ang nagwagi at pinili ng kanilang mga kababayan sa kabila ng nasabing inilabas na listahan dalawang buwan bago ang halalan.

Kasama sa nasabing mga nagwaging narco-pols ang dalawang congressmen, isang vice-governor, 18 mayors, tatlong vice-mayors, isang councilor at isang board member mula sa Calabarzon, BARMM, Eastern Visayas, Ilocos Region, Northern Mindanao, Western Visayas, Central Luzon, Zamboanga Peninsula, SOCCKSARGEN, at Caraga.

Ayon kay Año, ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang siyang magsasampa ng kasong kriminal sa mga narco-politician sapagkat nasa kanila ang mga ebidensya na kailangan para sa case build up.

Aniya, ang Kagawaran ay nakikipag-ugnayan na sa Philippine National Police (PNP), PDEA, at iba pang ahensya ng pamahalaan na naatasang manguna sa laban kontra sa iligal na droga para sa patuloy na pagsulong ng mga kaso laban sa mga nagwaging narco-politician.

Paggamit ng drug money

Sa lawak at dami ng kaso ng pagbili ng boto noong nakaraang halalan, ipinahayag ni Año na may posibilidad na drug money rin ang ginamit noong panahon ng kampanya.

"Hindi imposible na drug money rin ang ginamit noong kampanya kaya naman isa rin itong aspeto sa kanilang pagkakapanalo considering na malawakan talaga ang pagbili ng boto noong nakaraang halalan," aniya.

Idinagdag pa niya na ang DILG ay nakikipag-ugnayan din sa NAPOLCOM para sa pagtanggal ng police deputation powers ng mga nagwaging narco-politicians bago pa man sila makapanumpa at makaupo sa Hunyo 30.