NEWS

ADVISORY

DILG ipinataw ang dismissal order ng Mayor ng Malay, Aklan bunga ng krisis sa Boracay

April 25, 2019

Pinatawan ng dismissal order ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Malay, Aklan Mayor Cicero S. Cawaling at ang licensing officer ng bayan bunga ng grave misconduct at iba pang paglabag na nagdulot ng krisis sa Boracay.

Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang dismissal order ay ipinataw kasunod ng desisyon ng Ombudsman na nagpatunay na nagkasala sina Cawaling at Licensing Officer Jen F. Salsona ng gross neglect of duty, conduct unbecoming of a public official, and conduct prejudicial to the best interest of service.

Hinatid ni DILG Regional Director Ariel Iglesia ng DILG Western Visayas ang dismissal order mula Ombudsman kina Cawaling at Salsona kahapon, Abril 24.

Ayon kay Año, sa desisyon ng Ombudsman ay nakakita sila nang sapat na katibayan laban sa dalawa sapagkat sa panahon ng kanilang panunungkulan bilang mga pinuno ng lokal na pamahalaan ay nakapag-operate ang mga establisimyento ng walang kaukulang fire safety inspection certificate at ang ilan ay hindi rin kumuha ng ibang mga permit.

Ilan din sa mga establisimyentong ito ay lumagpas sa 25+5 metro na itinalagang limitasyon at paglabag sa Malay Municipal Ordinance No. 2000-131.

"Sa kanilang hindi pagpapatupad sa Ordinansang ito, nilabag ni Cawalig ang Section 444 (b) (2) ng Republic Act 7160 na nag-uutos sa kanya na ipatupad ang lahat ng batas at ordinansa na may kaugnayan sa pamamahala sa Munisipalidad ng Malay," ayon sa desisyon.

Sinabi ng DILG Chief na ang dismissal order kay Cawaling at Salsona ay magbubunga nang pagkakansela ng kanilang mga retirement benefit (maliban sa mga naipon na leave credits) at panghabang-buhay na diskuwalipikasyon sa paglilingkod bilang kawani ng pamahalaan.

Ang desisyon ng Ombudsman ay naaprubahan noong Abril 22, 2019 ni Ombudsman Martires na natanggap naman ng DILG noong araw ding iyon.

Ang kasong ito nina Cawaling at Salsona ay nagmula sa mga reklamong administratibo na inihain ng DILG laban sa 18 pinuno ng lokal na pamahalaan batay sa mga nakalap ng Boracay Investigating Team (BIT).

Una nang iniutos ng Office of the Ombudsman na patawan ng anim na buwan na preventive suspension ng walang bayad ang mga akusado bilang paglabag sa Local Government Code or Republic Act 7160 at the Anti-Graft and Corrupt Practices o Republic Act No. 3019.

Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, magsilbi sanang babala ang desisyong inilabas ng Ombudsman sa lahat ng mga pinuno ng pamahalaang lokal na ang paglabag sa batas kalikasan ay may mga seryosong kaparusahan.

"Kami ay umaasa na ang ibang pamahalaang lokal ay mas magiging aktibo sa pagprotekta sa kalikasan at huwag nang hintayin pang masampahan sila ng kaso ng DILG. Hinihikayat namin ang ibang pamahalaang lokal, lalo na ang mga nasa Manila Bay Watershed area na maging seryoso sa kanilang tungkulin at makipag-ugnayan sa DILG kaugnay ng mga hakbang tungo sa paglilinis at rehabilitasyon nito," aniya.

Sinabi ni Malaya na ang kaso laban kay Punong Lalawigan Florencio T. Miraflores ng Aklan, Provincial Environment and Natural Resources Officer ng Aklan na si Valentin Talabero, Pangalawang Punong-bayan ng Malay Abram Sualog, at Natural Resources Officer Edgardo Sancho ay dinismis rin ng Ombudsman bunga ng kakulangan ng sapat na katibayan.

Binanggit din niya na ang kaso laban sa walong iba pang miyembro ng Malay Sangguniang Pambayan -- Natalie F. Cawaling-Pederes, Jupiter Aelfred G. Gallenero, Frolibar S. Bautista, Lloyd B. Maming, Dalidig M. Sumndad, Maylynn T. Aguirre-Graf, Danilo G. Delos Santos, at Dante C. Pagsuguiron -- at tatlo pang punong barangay -- Hector A. Casidsid ng Barangay Yapak, Malay, Chona V. Gabay ng Barangay Manoc-manoc, Malay at Lilibeth Sacapao ng Barangay Balabag, Malay-- ay dinismis rin sa parehas na kadahilanan.