NEWS

DILG, inutusan ang PNP na maglagay ng help desks sa mga istasyon ng pulis para sa mga stranded

May 26, 2020

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na maglagay ng mga help desks sa lahat ng mga istasyon ng pulisya sa buong bansa upang matulungan ang mga locally stranded individuals (LSIs) at mga returning overseas Filipiinos (ROFs) ngayong may pandemiyang Covid-19.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ipoproseso ng mga help desks sa mga munisipyo, lungsod, probinsya, at mga panrehiyong tanggapan ng pulisya ang mga aplikasyon para sa travel authority mula sa mga taong gusto nang makabalik sa kanilang tirahan matapos maistranded sa iba't-ibang lugar dahil sa community quarantine.

Ang paglikha ng mga help desk ay nakasaad sa operational guidelines tungkol sa pangangasiwa sa LSIs at ROFs na inisyu ng National Task Force Laban sa Covid-19. Sa ilalim ng mga alituntunin, dapat kumuha ng medical certificate ang isang stranded na indibidwal mula sa Municipal o City Health Office at Travel Authority mula sa PNP bago siya payagang maglakbay.

"Gusto nating bigyan ng pagkakataon na magkasama na ang mga nagkahiwalay na pamilya dahil sa quarantine. Kaya para mapabilis ang proseso, inaatasan ko ang PNP na magtalaga ng help desk sa lahat ng police stations sa buong bansa,” sabi ni Año.

Sinabi niya na ang mga may medical certificate lamang mula sa LGU ang maaaring mag-apply para sa isang Travel Authority sa PNP Help Desks.

Kasama sa mga LSIs ang mga dayuhan na mamamayan o mamamayang Pilipino tulad ng mga construction at domestic workers, mga turista, mag-aaral, at iba pang indibidwal na stranded sa iba't ibang lokalidad habang nagbibiyahe at nagpahayag ng balak na bumalik sa lugar na kanilang tinitirhan o pinagmulan.

Sa kabilang dako, ang mga ROF naman ay ang mga Pilipinong nagbalik-bayan mula sa ibang bansa. Kasama dito ang mga Overseas Filipino Workers (OFW), dokumentado man o hindi dokumentado, pati na ang mga non-OFWs. Kabilang sa huli ang mga nagbabalik na mga mag-aaral, exchange visitor's program, returning Filipino diplomats, nagbabalik na mga turistang Pilipino, mga kalahok sa mga programang inisponsoran ng pamahalaan katulad ng mga trainings at scholarships, at mga dependents at mga dayuhang asawa na kasama ng mga ROFs.

Sa ilalim ng mga guidelines, ang Chief of Police ang mag-iisyu ng mga travel authorities sa mga LSIs/ROFs mula sa isang barangay papunta sa ibang barangay sa loob ng isang munisipyo. Para sa LSIs / ROF mula sa isang munisipalidad o lungsod na lilipat sa ibang munisipyo / lungsod ng ibang lalawigan, ang kanilang travel authority ay manggagaling sa Police Provincial Director. Sa mga LSIs / ROF mula sa isang lalawigan na papunta sa ibang lalawigan, at mula sa isang rehiyon patungo sa ibang rehiyon, ang Police Regional Director ang mag-iisyu ng kanilang travel authorities.

Nilinaw naman ng DILG Chief na bago mag-isyu ng isang travel authority, ang LSI o ROF ay dapat magpakita ng medical clearance/certificate mula sa city/municipal health office na siya ay hindi isang kontak, suspek, probable o kompirmadong Covid-19 case, at dumaan na sa 14-day quarantine. Ang nasabing medical clearance ay ipapakita sa PNP help desks, sa lahat ng checkpoints, at sa patutunguhang LGU.

Para naman sa mga ROFs, dapat silang magpakita ng isang travel authority na mula sa JTF CV Shield at isang RT-PCR na may negatibong resulta at isang Quarantine Certification mula sa DOH's Bureau of Quarantine sa mga Quarantine Control Points (QCPs) o pagpasok sa pupuntahang LGU.

Sinabi ni Año na hindi na kailangan ng certificate of acceptance mula sa pupuntahang LGU dahil ang travel authority at ang listahan ng LSIs at ROFs ay ipapadala na sa kanila bago pa man sila makarating doon.

"Kailangang hawak ninyo sa lahat ng pagkakataon ang inyong medical certificate at inyong travel authority mula sa PNP dahil tatanggapin po iyan sa lahat ng checkpoints, seaports, at airports sa buong bansa basta nasa kamay n’yo na po iyan." aniya.

Para sa mga katanungan tungkol sa mga alituntunin tungkol sa mga LSIs at ROFs, maaaring makipag-ugnayan sa PNP Command Center sa 09988490013 para sa Smart at 09175382495 para sa Globe.

Papel ng mga LGUs

Sa DILG Memorandum Circular No. 2020-087, inuudyok ang mga gobernador ng lalawigan na magtatag na ng kanilang 'Management of ROFs at LSIs Sub-Cluster' sa ilalim ng Local Task Force (LTF) laban sa COVID 19 Governance Cluster.

Ang mga gobernador ang magsasaayos ng listahan ng LSls para sa karagdagang aksyon at posibleng tulong mula sa Regional Task Force (RTF). Magbibigay din sila ng kinakailangang tulong sa component city o munisipyo sa paghahatid o pagtanggap ng mga ROF at LSIs.

"Pinaaalalahanan ang mga local chief executives na hindi nila dapat tanggihan ang pagpasok o paglipat ng lahat ng mga ROF at LSIs ngunit maaari nila, sa pakikipag-ugnayan sa RTF, na ipatupad ang kanilang mga health protocols para sa ROFs at LSIs alinsunod sa sa mga patakaran ng Interagency Task Force (IATF)," sabi ng DILG Chief.

Ang mga LGU ay dapat magbigay ng kinakailangang tulong, tulad ng suporta sa pagkain at transportasyon sa mga ROF at LSIs.

"Naiintindihan ng pamahalaan ang kalagayan ng mga LSIs at ROF na sila ay malayo sa kanilang mga probinsya sa gitna ng krisis na ito. Nararapat lamang na sila ay tulungang makauwi sa kanilang mga pamilya habang sinisiguro natin ang pagtalima sa mga kautusang pangkaligtasan at pangkalusugan." aniya.