NEWS

ADVISORY

DILG inirekomenda sa Ombudsman ang pagpataw ng disciplinary action laban sa 20 punong barangay na lumabag sa ECQ protocols

June 19, 2020

Inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Tanggapan ng Ombudsan ang pagpapataw ng disciplinary action laban sa 20 punong barangay ng Metro Manila dahil sa paglabag sa enhanced community quarantine (ECQ) protocols.

“Nais naming magpadala ng mensahe sa mga pasaway na punong barangay na hindi hahayaan ng DILG ang anumang paglabag ng ECQ protocols. Bilang mga opisyal ng gobyerno, dapat tayo ang manguna sa pagsunod ng batas at hindi sa paglabag nito," sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

“Wala tayong sasantuhin. Patuloy ang pagtanggap natin ng mga reklamo kaya patuloy din ang pagsasampa natin ng kaso sa Ombudsman,” dagdag pa niya.

Sa isang liham kay Ombudsman Samuel Martires noong 16 June 2020, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na ang dalawampung punong barangay ay pinadalhan ng show cause orders, alinsunod sa Administrative Order No. 267 na nagde-delegate ng supervisory powers ng Presidente sa DILG, upang hingin ang kanilang sagot laban sa mga alegasyon sa kanila.

Dahil hindi sapat ang kanilang tugon, sabi ni Diño na nakahanap sila ng sapat na ebidensya at batayan upang iendorso ang mga ito sa Tanggapan ng Ombudsman alinsunod sa Section 21 at 26 ng RA 6770.

"Patong-patong ang mga reklamo at sumbong na natanggap namin laban sa kanila kaya sa kabila ng kanilang sagot sa show cause order ay minabuti naming ipadala pa din sa Ombudsman ang mga ebidensyang aming nakalap," ani Diño.

Sa 20 punong barangay, 5 ay mula Caloocan City, 5 mula sa Quezon City; 2 mula sa Parañaque City; 1 bawat isa mula sa Mandaluyong City, Las Piñas, Manila City, Makati, Pasay City, Taguig City, Marikina City, at Muntinlupa City.

Ayon kay Diño, ilan sa kanilang mga sala ay ang paglabag sa implementasyon ng physical distancing sa pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan, iligal na sabong, pagsusugal, ampaw na pagpapatupad ng lockdown protocols dahil may mga batang nakitang naglalaro sa kalsada, at pagpapabaya sa tungkulin, bukod sa iba pa.

Dagdag pa niya, ang iba’t ibang reklamo ay isinampa sa DILG Emergency Operation Center, Hotline 8888, at pati sa mga natanggap na e-mail at text messages ng kaniyang team, na siyang vinalidate at kinompirma nila upang masigurong ang mga kasong isasampa ay may katotohanan.

“Sa pamamagitan ng mga reklamong nakakarating sa amin galing sa government hotlines, social media, texts at email, at mayroon pang nagpupunta mismo dito sa DILG Central Office nagkakaroon tayo ng lead na iniimbistigahan natin. Nag-organisa ako ng ilang teams na personal na pinupuntahan ang mga barangay at mga nagreklamo para tiyaking tama at may basehan ang reklamo,” paliwanag ni Diño.

Sabi pa niya ang karamihan sa mga kaso ay napag-alamang totoo at hindi lamang isolated incidents sa dahilang maraming indibidwal ang nagsampa ng reklamo. “Alam mo kadalasan, may 50 reklamong nakakaabot sa amin para lamang sa isang opisyal ng barangay. Doon pa lang malalaman mo na hindi lang pamumulitika kundi talagang mataas ang probability na may ginawa talagang mali.”

Ani Diño, maasahan ng publiko na marami pang kaso ang aabot sa tanggapan ng Ombudsman at sa kasalukuyan ay iniimbestigahan na ng kanyang opisina ang higit sa isang daang punong barangay dahil sa iba’t-ibang paglabag.